354 total views
Mula sa panahon ng Martial Law, nanatiling buhay ang simbahan para ipagtanggol ang buhay at karapatang pantao hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay RISE UP convenor Nardy Sabino, ito ang pangunahing itinutulak ng ating pananampalataya ang pagpapahalaga sa buhay ng bawat mamamayan, simula pa noong panahon ng diktadurya.
“Malaki ang papel ng simbahan sa pagtatanggol ng kalayaan ng karapatan ng mamamayan dahil iyan ang itinutulak ng ating pananampalataya na ang pagpapahalaga sa buhay ay pangunahin sa simbahan,” ayon kay Sabino
Sinabi ni Sabino na sa panahong ito kung saan laganap ang karahasan ay kinakailangan pa rin ang patnubay ng simbahan, hindi lamang sa pagkakawanggawa kundi ang pagpupunyagi na makamtan ang katarungan ng mga naaapi.
“Kailangan siyang maging magpatuloy sa kanyang pagiging moral compass lalo na sa panahon na nalilito ang ibang mananampalataya sa pagitan ng tama at mali. Akayin niya, kung saan ang buhay matatagpuan, kung papipiliin between kamatayan at buhay, ang laging tugon ng simbahan ay doon sa buhay. Kung papiliin sa pagitan ng mga pumapatay at mga biktima– ang pipili ay ang mga biktima,” pahayag ni Sabino.
Ang RISE UP ay binubuo ng iba’t ibang grupo na nagpupunyagi para sa karapatang pantao, kung saan kabilang din sa mga kaanib ang mga pamilya at naulila sa ‘war against drugs’ ng Pangulong Rodrigo Duterte na umaasang makakamtan ang katarungan.