160 total views
Nagpahayag ng pangamba ang ilang grupo ng mga laiko sa magiging paninindigan ng mga nanalong Senador sa iba’t-ibang usaping panlipunan.
Ayon kay Prof. Boni Macaranas – Pangulo ng Kilos Laiko, karamihan sa mga nanalong Senador ay mayroong kaduda-dudang paninindigan sa mga usaping kinahaharap ng mga mamamayan.
Inihayag ni Macaranas na karamihan sa mga nanalong Senador ay mga kaalyado ng administrasyong Duterte na pabor sa marahas na implementasyon ng kampanya laban sa illegal na droga at muling pagsasabatas ng death penalty.
Nangangamba ang grupo ni Macaranas sa pagiging rubber stamp ng mga nanalong Senador kay pangulong Rodrigo Duterte at kawalan ng paninindigan sa mga usaping tunay na makakaapekto sa pamumuhay ng mga Filipino.
“Sa behavior nila kahit nung umpisa pa sa campaign period sila ay sunod-sunuran kay Duterte at kung meron na ginwa ng gobyerno sila ay tahimik na tahimik so kitang-kita sa behavior nila na we doubt whether they will be independent, of course we hope sila ay maging indipendente but it is very questionable that they will do so.” pahayag ni Macaranas sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang nanawagan ang Kilos Laiko sa mamamayan na manindigan sa tama.
Iginiit ni Macaranas na kinakailangang magkaisa ang mamamayan sa pananalangin at pakikibahagi sa usaping panlipunan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananampalataya.
“Mga Kristyano, mga Katoliko, mga Evangeliko, mga Protestante sana po buksan nila ang isip nila na ang kalaban natin ay mga kagagawan ng mga demonyo so we hope they will pray and join us in joing politics dahil ito nga ang sinabi ni Pope Francis “politics is the highest form of charity because it promotes the common good.” panawagan ni Macaranas
Nasasaad naman sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika na ang isang mabuting lider ay nagpapaalipin, nagpapakumbaba at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong sariling interes sa kanyang panunungkulan.