183 total views
Umani ng papuri sa mga Obispo ng Simbahang Katolika ang simpleng inauguration ni President-elect Rodrigo Duterte na gagawin sa Rizal ceremonial hall sa Malakanyang.
Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, napakagandang mensahe ang ipinaparating nito sa mamamayang Filipino na napakahalaga ang pagiging simple sa ating pang-araw araw na buhay.
Inihayag ng Obispo na ang pagiging simple sa lahat ng bagay ang napaka-gandang pag-uugali na dapat isabuhay ng mga Pilipino.
Sinabi ni Bishop Ongtioco na isang magandang kultura sa mga Filipino na matutong mamuhay ng simple upang matugunan ang kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas na mas marami ang mahihirap kumpara sa mayayaman.
“I am happy about the simple inauguration. We need to be simple even in our way of life. Simplicity, an important value that we have to promote.”pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Itinuturing naman ni Boac Bishop Antonio Maralit na magandang halimbawa ang pagiging simple ng bagong presidente ng bansa sa sambayanang Filipino.
Ayon kay Bishop Maralit, magandang simulain ito at konkretong mensahe para sa isang tunay na pagbabago sa bansa.
Umaapela naman si Bishop Maralit sa mamamayang Filipino na ipanalangin si Duterte at mga makakasama niyang mamahala sa bansa na tunay nilang magawa ang kanilang tungkulin para sa isang tunay na pagbabago sa bansa.
Inihayag naman ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa, Palawan Bishop Pedro Arigo na isang tumpak na halimbawa ang pagiging simple ni Duterte para sa mga naghihirap na Filipino.
Iginiit ni Bishop Arigo na nararapat lamang umiwas sa magarbong paggastos ang pamahalaan upang maging makatarungan sa mga milyun-milyong nagugutom na Pilipino.
Umaasa naman ang Obispo na mababawasan kung hindi man tuluyang maalis at maparusahan ang mga corrupt na opisyal sa bansa.
Nabatid sa mga pag-aaral na 40-mayayamang pamilyang Pilipino na kasali sa 2012 Forbes list of billionaires ang nagmamay-ari ng 76-porsyento ng Gross Domestic Product ng Pilipinas.