300 total views
April 4, 2020, 2:40PM
Pagbubuklod, pagsasama at pagkabuo ng pamilya ang magandang naidulot ng ipinatutupad na Luzon-wide Enhanced Community Quarantine bilang pag-iingat mula sa pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ito ang ibinahagi ni Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, OFM sa epekto ng isang buwang Enhanced Community Quarantine na inaasahang magtatagal hanggang sa ika-14 ng Abril, 2020.
Ipinaliwanag ng Pari na dahil sa pansamantalang suspensyon ng mga negosyo, pampublikong transportasyon at maging klase sa lahat ng antas sa Luzon ay nagkaroon ng pagkakataon ang bawat pamilya na mabuo at muling makapagdasal ng sama sama lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.
“Kasi nung nagkaroon na ng mga dahilan yung hanapbuhay o kaya itong social media tapos yun pang kultura ng mga Millenials bihira na talaga yung pamilya na sama-samang kumain, sama-samang magdasal pero ngayon magugulat ka kahit sa social media makikita mo yung nagkukumahog talaga yung pamilya, yung hindi lang pamilya na nanay, tatay ganun kundi kompleto talaga, so isa ito malaking naidulot at para sa akin ay napapanahon din dahil Kuwaresma ngayon…”pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na hindi dahilan ang anumang sitwasyon sa pagsasawalang bahala para sa kapakanan ng kapwa.
Ayon kay Fr. Cortez, mahalagang patuloy na magkaisa ang mamamayan upang sama-samang malagpasan ang banta ng sakit sa pamamagitan ng pagtulong sa anumang pamamaraan.
Naunang hinikayat ng A-M-R-S-P ang iba’t-ibang kongregasyon ng Simbahang Katolika na buksang ang mga kumbento at Simbahan para sa mga lubos na nangangailangan tulad na lamang ng mga walang tahanan.
Read: “https://www.veritas846.ph/frontliners-na-walang-matutuluyan-tatanggapin-ng-simbahan/”