340 total views
Itinuring ni Pope Francis ang Pulitika na isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa na dapat itaguyod ng bawat lingkod bayan.
Gayunman, inihayag ni Nardy Sabino – Convenor ng Rise Up for Life and for Rights ang pagkadismaya ng maraming pamilyang naulila sa marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga sa inisyal na resulta ng katatapos na halalan.
Ibinahagi ni Sabino ang kalungkutan ng pamilyang naulila ng mga nasawi sa war on Drugs ng pamahalaan dahil mga kaalyado ng administrasyong Duterte ang nanalong 12 Senador sa sumusuporta sa cleansing ng mga adik at small time drug pusher.
Nangangamba din ang kapamilya ng mga biktima ng drug related killings dahil sa karamihan rin sa mga nangungunang senador ay sangkot sa korapsyon at katiwalian.
“Actually dismayado sila dahil karamihan doon sa inihalala ng administrasyong ito ay yung naniniwala sa pagpaslang at may mga kaso ng korapsyon at pagnanakaw, nangangamba sila na ang mga senador natin ay sangkot sa pagpaslang at pagnanakaw…” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang Rise Up for Life and for Rights ay isang civic organization na nangangalaga at gumagabay sa kapamilya ng mga biktima ng drug-related killings sa bansa.
batay sa tala ng mga human rights group, mahigit na sa 25-libo ang bilang ng mga nasawi sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.