256 total views
Kapanalig, pataas ng pataas ang presyo ng bilihin, hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong Asya. Habang tumataas ang bilihin, papaliit naman ng papaliit ang kinikita ng mga tao. Ano kaya ang pwede natin gawin?
Dahil sa pandemya, pagtaas ng transport costs, at bagyo, baha, o tagtuyot, kasama na ang mga iba pang hamon gaya ng African Swine Flu, tumataas ang presyo ng mga pagkain. At habang tumataas ang presyo ng pagkain, mas maraming tao ang kapos na ang budget at nakakaranas na ng mas madalas na gutom. Ayon nga sa isang report, sa buong Asia and the Pacific, umaabot ng 1.9 bilyong tao ang di nakayanang makabili ng healthy diet kahit bago pa magpandemya. Dahil nga sa pagtaas ng presyo ng prutas, gulay, at karne, naging mas mahirap para sa marami ang maka-acess ng ng pagkaing pampalusog.
Ang epekto nito, malnutrisyon. Tinatayang mahigit pa sa 350 milyong tao sa Asya at Pasipiko ang undernourished noong 2019, at 74.5 milyong bata edad 5 pababa ang bansot o stunted. Pihadong dadami pa ito kung magmamahal pa ang pagkain o di kaya, liliit pa ang sweldo ng tao.
Ito ngang panahon ng pandemya, sinabayan ng pagtaas ng bilihin ang pagtaas ng unemployment rate pati ng bawas na oras sa trabaho. Ayon nga sa isang pag-aaral, ang ating bansa ang nakaranas ng pinakamataas na pag-angat ng unemployment rate mula 2019 hanggang 2020: 5.2 percentage points. Ibig sabihin nito, mas marami talagang nabawasan ng kita sa ating bansa.
Kaya nga kapanalig, napakahalaga na maging tuloy tuloy ang pagbagsak ng bilang ng mga active COVID cases sa ating bansa. Nagpapakita ito ng ating pagbangon at pagbawi sa nawalang kita nitong mga nakaraang mga taon. Malaki ang responsibilidad ng pamahalaan na masiguro ito, lalo’t may bagong hamon sa buong mundo ngayon, ang Omicron variant. Kapag nadale tayo nito, mas papalalain nito ang mga nararanasan nating suliranin.
Maliban pa dito, inaasahan ng marami, lalo ngayong kapaskuhan, na hindi na tataas pa ang pangunahing bilihin. Nitong mga nakaraang linggo, ginulat na tayo ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis pati na ng pagkain. Huwag na sanang madagdagan pa. Ang paskong salat sa masustansyang pagkain ay magdidilim ng pag-asang naaninagan na sana natin. Ayon nga sa Evangelii Gaudium, “It is the responsibility of the State to safeguard and promote the common good of society.” Kasama sa responsibilidad na ito kapanalig, ang pagbibigay tulong sa mamamayan, lalo na kung salat ang pagkain, at bitin pa ang budget ng nakararami.
Sumainyo ang Katotohanan.