278 total views
Pinabulaanan ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang kumakalat na maling balita o fake news na siya ay naospital dahil sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 matapos ang kanyang naging pilgrimage sa Israel.
Sa mensaheng ipinadala ng Arsobispo sa Veritas Patrol, inihayag ni Archbishop Tirona na siya ay nasa mabuting kalagayan at sumasailalim lamang sa 14 na araw na Self Quarantine na nagsimula noong ika-8 ng Marso at inaasahang magtatapos sa ika-22 ng Marso.
Ibinahagi rin ng Arsobispo, na mayroon na ring health worker mula sa Department of Health ang personal na tumingin sa kanyang kalagayan noong ika-17 ng Marso na ika-siyam na araw ng kanyang self quarantine kung saan nanatili ang kanyang normal na temperatura at wala ring anumang sintomas ng sakit.
Ayon kay Archbishop Tirona, bukod sa pagpapahinga ay isang pagkakataon rin ang kanyang pagsailalim sa self-quarantine upang patuloy na magkaroon ng katahimikan para makapagnilay at manalangin lalo na ngayong panahon ng Kwaresma.
“(I am) Very OK. May FAKE NEWS dito na naconfine daw ako sa hospital dahil nagpilgrimage kami. Nag Self Quarentine (ako) since March 8 to end (on) March 22. Yesterday nagcheck ang DOH health worker sa akin and normal temperature (ko and) asymptomatic. Tuloy ang self quarantine ko and profiting from it with ample time for silence/solitude, prayer, reading, reflections.” mensahe ni Archbishop Tirona sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi rin ni Archbishop Tirona na sumasailalim na rin sa self quarantine ang iba pang Bikolanong pari at mananampalataya na kasama sa pilgrimage sa Israel kasama na si Virac Bishop Manolo delos Santos.
Tiniyak naman ng Arsobispo ang kanyang patuloy na pananalangin para sa bawat isa partikular na ang mga nagsisilbing frontliners na tumitiyak sa kapakanan at kalagayan ng bawat isa mula sa COVID-19.