443 total views
Ikinagagalak ng mga Filipinong pari sa Roma ang pagkakabilang ng Kaniyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle bilang cardinal-member ng Congregation for the Eastern Churches. Ang tanggapan ay binubuo ng 27-miyembro na pinamumunuan ni Cardinal Leonardo Sandri simula 2014. Si Cardinal Tagle na siya ring Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples o Propaganda Fidei ay magiging bahagi sa tanggapan bilang katuwang sa pamamahala ng simbahan.
Ayon kay Fr. Greg Gaston-rector ng Pontificio Collegio Filipino isang karangalan ng mga Filipino ang pinakabagong tungkulin ni Cardinal Tagle sa simbahan at ang tiwalang ibinibigay ng Santo Papa.
“So, si Cardinal Tagle ay hiningan din naman ng tulong sa iba pang offices at ang pinakabago ngayon ay ang Congregation for Oriental churches.
Kaya masaya tayong lahat at ipinagdarasal din natin si Cardinal Tagle kasi marami talagang mga offices kung saan siya ay tumutulong,” ayon kay Fr. Gaston.
Hiling din ng pari ang panalangin ng mananampalataya lalu na ng mga Filipino upang magampanan ni Cardinal Tagle ang bagong tungkulin, bukod pa sa ilang tanggapan sa Vatican na kaniyang pinamumunuan.
Si Cardinal Tagle rin ang kasalukuyang pangulo ng Caritas Internationalis. Ang congregation ay isang tanggapan ng Roman Curia na katulong ng Santo Papa sa pamamalakad ng simbahan, ito ay karaniwang pinamamahalaan ng cardinal o arsobispo at mga kasapi.
Ang Congregation for Eastern Churches o kilala rin bilang Oriental Churches ay dating bahagi ng Propaganda Fidei at idineklarang hiwalay na tanggapan ni Pope Benedict XV noong 1917.
Sa kasalukuyan ang kongegasyon ay nakikipagtulungan sa 23 mga simbahan at pamayanan sa Silangang Katoliko upang matiyak na pinahahalagahan ng unibersal na Simbahang Katoliko ang pagkakaiba-iba nito, kabilang ang liturhiya at kabanalan.
Ang Pilipinas ay bahagi ng Western Church kung saan sinusunod ang Latin o Roman rites habang sa Eastern church ay sinusunod naman ang Griyegong rito.