396 total views
Inihayag ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Pontificio Collegio Filipino na karangalan sa mga Filipino ang pagkahirang ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, maituturing itong biyaya para sa Pilipinas sapagkat ipinagkatiwala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa isang Filipino ang isa sa pinakamataas na posisyon sa Vatican.
“It is an immense blessing to our country, overflowing grace to His Eminence,” pahayag ni Bishop Santos.
Sinabi ng Obispo na magandang pagkakataon din ang pagtalaga ni Pope Francis kay Cardinal Tagle sa nalalapit na pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa.
Ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamalaking populasyon ng mga Katoliko sa buong mundo kasunod ng Mexico at Brazil dahil binubuo ito ng mahigit sa 80 milyong Katoliko o katumbas sa halos 80 porsyento sa kabuuang populasyon.
Tiwala si Bishop Santos sa kakayahan ni Cardinal Tagle na pamunuan ang tanggapan ng Evangelization of Peoples’ dahil aktibo ito sa mga programang nagpapalaganap ng mabuting balita ng Panginoon.
“He makes us proud as Filipinos, and our country as beacon for new Evangelization,” ani ng Obispo.
Si Cardinal Tagle ang ikalawang Filipino na naitalaga sa pinakamataas na posisyon sa Vatican kasunod ng Bicolanong si Cardinal Jose Tomas Sanchez na naglingkod ng apat na dekada sa Vatican.
CARDINAL JOSE TOMAS SANCHEZ
Unang itinalaga si Cardinal Sanchez bilang Secretary ng Congregation for the Evangelization for Peoples noong 1985 habang naging Prefect of the Congregation for the Clergy noong 1991 hanggang magretiro noong 1996 makaraang maabot ang mandatory retirement age na 76 na taong gulang.
Bagamat nagretiro sa posisyon, nagsilbing Prefect Emeritus si Cardinal Sanchez sa Congregation for the Clergy hanggang namayapa noong Marso 2012 sa edad na 91 taong gulang sa ilalim ng pangangalaga ng Diocese ng Novaliches.
Hiling naman ni Cardinal Tagle sa mananampalataya ang patuloy na panalangin para sa panibagong misyon na kanyang kakaharapin sa isa sa pinakamataas na tanggapan ng Simbahang Katolika.