675 total views
Ang Tatlong Persona sa Iisang Diyos ang pinaka-naangkop na modelo ng lahat ng uri ng relasyon sa kapwa.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos.
Ayon sa Obispo, bagamat iisa lamang ay magkakaiba naman ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo kung saan hindi nawawala ang indibidwal na katangian ng bawat isa.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na hindi dapat masira o maisantabi ng pakikipag-isa at pakikipagkapwa ang natatanging katangian ng bawat isa na isang hamon ng Diyos sa pakikipag-ugnayan ng sangkatauhan sa isa’t isa.
“Sa Isatlo, ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, ang Espiritu Santo ay Diyos. Iisang Diyos lang sila. Pero ang Ama ay hindi ang Anak at ang Anak ay hindi ang Espiritu Santo. Magkaiba sila pero iisa lang sila. Iyan po ang pagmamahal. Love makes us one but respects and promotes our individualities. Our oneness does not dissolve our differences, and the differences do not break our oneness. Iyan ang hamon ng Diyos sa atin sa ating pakikipag-ugnay sa isa’t isa.” pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, higit na dapat na makita ang ugnayang ito sa relasyon ng bawat pamilya kung saan bagamat hindi magkakapareho ng pagkatao, ugali at pananaw ang bawat miyembro ng pamilya ay nananatili naman ang pagkakaisa ng lahat dahil sa pagmamahalan.
Ganito din ayon sa Obispo ang kinakailangan ng Simbahan kung saan bagamat may magkakaibang katangian at paraan ng pagpapahayag ng pananampalataya ang bawat mananampalataya ay kabilang naman ang lahat sa iisang Simbahan at katawan ni Hesus.
“Makikita natin ito sa ating pamilya. Hindi naman magkapareho ang pagkatao, ang ugali, at ang pananaw ni Tatay, ni Nanay, ni bunso at ni Ate. Pero kung mabuting pamilya sila nagkakaisa sila sa pagmamahalan at sa kanilang pagkilos. Ganoon din sa simbahan. Iba ang katangian ng mananampalataya sa Africa kaysa sa Brazil. May kakaibang debosyon tayo sa Pilipinas kaysa mga Katoliko sa South Korea. Pero iisang simbahan lang tayo, nabibilang sa iisang katawan ni Kristo. So the Trinity is the model of all kinds of relationships.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ito din ayon kay Bishop Pabillo ang dahilan kung bakit itinalaga ang paggunita ng Basic Ecclesial Community Sunday o BEC Sunday kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos.
Sinabi ni Bishop Pabillo na ang Trinity Sunday ang huwaran ng ugnayan sa pinakamaliit na grupo ng Simbahan na dapat ay nagtutulungan at nagkakaisa ng mayroong paggalang sa pagkakaibaiba ng lahat.
“Kaya nga ang Trinity Sunday ay itinalaga na BEC Sunday, Sunday ng Basic Ecclesial Community. Ang ugnayan sa pinakamaliit na grupo sa Simbahan, ang BEC, ay maging tulad sana ng ugnayan ng Tatlong Persona – igalang ang pagkakaiba pero pahalagahan ang pagkakaisa. At ang mga Kristiyano sa BEC ay nagtutulungan sa kanilang pagkilos sa kanilang community.” Ayon pa kay Bishop Pabillo.