3,191 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng pagkakaluklok muli sa puwesto ni US President Donald Trump ang paglagda niya sa isang executive order (o EO) na pansamantalang inihihinto ang lahat ng foreign aid ng Estados Unidos. Layunin ng EO na pag-aralan ang lahat ng foreign aid at siguruhing isinusulong ng mga ito ang interes ng mga Amerikano. Gayunpaman, nagdulot ito ng kaguluhan sa mga development projects sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas. Ilan sa mga proyektong ito ay natigil.
Pinakamalaking foreign aid donor ang Estados Unidos. Pinopondohan nila ang iba’t ibang proyektong tumutugon sa kahirapan, nagpapabuti sa edukasyon, nangangalaga sa kalikasan, at nagpapanatili ng kapayapaan. Noong 2023, nakapagbigay ang Estados Unidos ng 72 bilyong dolyar sa 209 na bansa. Noong nakaraang taon naman, nasa 41 bilyong dolyar ang ibinigay nito sa 206 na bansa.
Pangunahing dinadaanan ng foreign aid ng Amerika ang United States Agency for International Development (o USAID). Mula nang itinatag ang USAID noong 1961, aktibo na nitong partner ang ating bansa. Una nating pinagtulungan ang imprastraktura, pagkakaroon ng kuryente sa kanayunan, at mga pag-aaral sa agrikultura at kalusugan. Noong dekada ‘80 hanggang dekada ‘90, tinutukan ng USAID ang pagpapalakas sa civil society groups sa bansa, pagtataguyod sa pakikilahok ng mamamayan sa pamamahala, pagpapatupad ng Local Government Code of 1991, at pagpapatupad ng mga proyekto sa edukasyon at kalusugan. Nitong mga nakaraang taon, nakatutok ang USAID sa pagpapatatag sa ating ekonomiya, demokratikong pamamahala, at proteksyon sa kalikasan. Mula 1961, tinatayang nasa limang bilyong dolyar na ang naibigay nito sa Pilipinas.
Dahil sa EO ni US President Trump, nahinto ang mga proyekto ng USAID sa bansa katulad ng Fish Right, na layuning ayusin ang pamamahala at protektahan ang ating mga pangisdaan. Nariyan din ang YouthWorks PH na sinasanay ang kabataan upang tulungan silang magkaroon ng hanapbuhay. Ang proyektong EpicHIV naman ay kumikilos upang pigilan ang pagkalat ng HIV sa bansa at nagbibigay ng serbisyo sa mga tinamaan nito.
Wala raw tayong dapat ipag-alala, ayon sa ating pamahalaan. Marami raw ibang donors at partners ang Pilipinas. Gayunpaman, hindi maiwasang mag-alala ng mga development partners ng USAID—mula sa mga civil society groups at mga benepisyaryong umaasa sa mga proyekto nila.
Sinasabi sa 1 Corinto 12:26, “Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya.” Iisa tayong katawan, paalala ni San Pablo, kaya mahalaga ang sama-samang pagkilos para makamit ang kaunlaran at kagalingan ng bawat bahagi ng katawan. Binibigyang-diin din sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang solusyon sa mga problemang pangkaunlaran ay nakasalalay sa pagtutulungan at pagkakaisa. Ang kaunlaran ay hindi lamang isang hangarin; isa rin itong karapatang may kaakibat na tungkulin.
Ayon sa Catholic social teaching na Sollicitudo Rei Socialis, “Collaboration in the development of the whole person and of every human being is in fact a duty of all towards all, and must be shared by the four parts of the world: East and West, North and South.” Kung kabaliktaran ang mangyayari, isang bahagi lamang ng mundo ang umuunlad; mas masama pa kung nakakamit nila ang kaunlarang ito nang inaabuso at iniisahan ang ibang bansa. Sa madaling salita, hindi tunay na kaunlaran ang bunga ng pagkakanya-kanya, lalo na kung isinasantabi nito ang iba.
Mga Kapanalig, hindi natin makokontrol ang hakbang ng Estados Unidos, ngunit pagnilayan natin ang epekto ng pansamantalang paghinto ng kanilang foreign aid. Sasaluhin kaya ng ating pamahalaan ang mga proyekto at ang mga benepisyaryo? Bilang mga tagasunod ni Kristo, mahalagang maging maláy tayo sa kalagayan ng ating kapwa at tumulong sa abot ng ating makakaya. Ang pakikipagkaisa ay hindi lamang isang mithiin; lunas ito sa pagkakanya-kanya.
Sumainyo ang katotohanan.