224 total views
Binigyang diin ng isang Obispo ang kahalagahan ng pagkakasundo sa lipunan upang iiral ang pagkakaisa.
Ayon sa Homiliya ni Novaliches Bishop Antonio Tobias, bawat mananampalataya ay pinagkalooban ng iba’t-ibang biyaya ng Panginoon.
Hinimok ng Obispo ang mga mananampalataya na manatiling magkaisa tungo sa kabutihan ng kapwa.
Ang paninilay ng Obispo ay kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Lorenzo Ruiz na ginanap sa San Lorenzo Ruiz Parish, Tandang Sora Quezon City noong ika – 30 ng Setyembre.
Inihalimbawa ni Bishop Tobias si San Lorenzo at mga kasamahan na sa kabila ng pagkakaiba ng estado sa buhay ay kapwa tinawag upang maging martir.
Tema sa pagdiriwang ng Kapistahan ang “Layko at Relihiyoso, Kaalakbay ni San Lorenzo kay Kristo” bilang pakikiisa sa Simbahang Katolika na nagdiriwang ng Year of the Clergy, religious and Consecrated Persons.
Dahil dito, hinikayat ng Obispo ang mga pari, madre, relihiyoso at mga layko na magtulungan sa ikabubuti ng Sambayanan.
“Ang mga Pari, Madre at Layko ay parehong tinawag sa iisang misyon; magkakasama sa pagpapalakas ng ating Sambayanang Krsitiyano.” pagninilay ni Bishop Tobias.
Sinabi pa ng Obispo na kapaki-pakinabang ang pagkakaisa ng bawat mananampalataya upang higit pang maipapalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon lalo na sa mga tumatamlay ang pananampalataya.
Si San Lorenzo Ruiz ang kauna-unahang Santong Filipino na pinahirapan at pinaslang ng mga Hapon sa Nagasaki Japan noong ika – 16 na siglo makaraang tumanggi itong talikuran ang pananampalatayang Katoliko at nanindigan na kung bibigyan pa ito ng sanlibong buhay ay muli’t muli itong iaalay sa Panginoon.