251 total views
February 24, 2020, 5:29PM
Ang pagkakaisa ng mamamayang Filipino sa iisang adhikain para sa bansa ang pinakamahalagang mensahe ng EDSA People Power Revolution.
Ito ang pagninilay ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – Former President ng St. Scholastica’s College at Former Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) sa ika-34 na taong paggunita sa tinaguriang makasaysayang bloodless revolution.
Tiniyak ng Madre na walang imposible kung magkakaisa ang lahat para sa iisang layunin tulad ng ginawang pagsasama-sama ng mga Filipino laban sa mapang-abusong rehimeng Marcos 34 na taon na ang nakakalipas.
“Ang most important there is kapag nagkakaisa tayo, we are capable of change kasi noong napatalsik natin ang diktador. Sa akin yun ang the greatest (mensahe ng ESDA Revolution) yung pagkakaisa ng tao when they have one vision and they act together kahit na yung imposible ay possible, that is the greatest lesson of EDSA” pahayag ni Sr.Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Gayunpaman, itinuturing ni Sister Mananzan na isang pagkakamali at pagkukulang ng nagdaang henerasyon ang kawalan ng maayos na dokumentasyon sa mga nangayari sa bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Iginiit ng Madre na hindi maisusulong ang “historical revisionism” kung naging masinop ang nakalipas na henerasyon sa pagtitipon ng mga alaala at isinama sa asignatura ng mga kabataan ang pag-aaral sa kasaysayan ng bansa.
Sinabi ni Sr. Mananzan na dahil sa hindi kongkreto ang imahe at impormasyon ng mga kabataan sa madilim na bahagi ng bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos ay madali silang maniwala sa mga maling impormasyon o historical revisionism na ginagawa.
“That is the fault of our generation na dapat sana dinocument natin ng magaling yung nangyari sa Martial Law, at sana nilagay natin sa textbooks, at sana we made it obligatory for our students in all levels to study it kasi kung ganun ang nangyari you cannot have a historical revisionism kasi parang nakabaon na sa consciousness ng mga tao kung ano ang nangyari. Ang nangyari hindi naituro sa eskwelahan, walang masyadong very good documentation kaya yung nangyari ngayon they making it na ang ganda ganda noon saka yung mga bata that is below 34 years old ay madali silang sabihan na ang ganda noong araw…”paghihinayang ni Sr. Mary Mananzan.
Taong 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimeng Marcos.
Taong 1986 nang magtungo sa EDSA ang maraming Filipino sa pangunguna ng mga Pari, Madre at ilang indibidwal alinsunod sa panawagan ng noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.