187 total views
Umaasa ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na magpatuloy ang mga nasimulang gawain at adbokasiya ng Simbahan sa paggunita ng Taon ng mga Kabataan o Year of the Youth.
Ito ang apela ni Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Clergy sa pagtatapos ng Year of the Youth kasabay ng pagtatapos ng liturhikal na taon.
Ipinagdarasal ng Obispo na patuloy at mapalakas pa ng bawat isa ang mga nasimulan at naimulat na kamalayan ng Simbahan sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa lipunan.
“Doon sa pagtatapos ng Year of the Youth meron kasing napasimulan, kung anuman ang napasimulan na mga gawain at mga activities dito sa Year of the Youth ay maipagpatuloy dahil baka pagdating nitong another year ay maiwanan kaya tuloy lang at kung pwedeng palakasin ay lalong palalakasin…” pahayag ni Bishop Famadico sa panayam sa Radyo Veritas.
Kasunod ng pagtatapos ng Year of the Youth o Taon ng mga Kabataan ay idineklara naman ng CBCP ang taong 2020 bilang Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous People’s bilang patuloy na bahagi sa paghahanda ng Simbahang Katolika sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas sa taong 2021.
Ipinaliwanag ni Bishop Famadico na ang panibagong paksa sa siyam na taong paghahanda para sa ika-limang sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa ay nag-aanyaya ng pagkakasundo at pagkakabuklod-buklod sa kabila ng magkakaibang paniniwala.
“Dito sa ating ecumenism na darating, ito’y isang paanyaya na lalong maging bukas sa ibang mga pananampalataya sapagkat tayong lahat naman kahit magkakaiba ang mga pananaw tayong lahat ay nagkakaisa bilang mga kapwa anak ng Diyos…” Dagdag ni Bishop Famadico.
Tema ng Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples ang “Dialogue Towards Harmony” na naglalayong maisulong ng pakikipagkapatiran sa pamamagitan ng pagsusulong ng kultura ng pakikipag-ugnayan tungo sa pangkabuuang kapayapaan.