549 total views
Hinangaan ni Fr. Edu Gariguez – Executive Secretary ng CBCP NASSA / Caritas Philippines ang matibay na pagkakaisa ng Kristiyano at Muslim na ipinamalas sa paglulunsad ng Duyog Marawi kahapon oka-30 ng Agosto sa Baloi Lanao Del Sur.
Ayon sa Pari, malinaw na pinatatag ng mga pagsubok ng digmaan ang samahan ng mga Filipino sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pananampalataya.
Kaugnay dito, ibinahagi ng pari na masiglang sinimulan ng mga volunteers ng Prelatura ng Marawi ang pagpaplano para sa rehabilitasyon ng kanilang lungsod.
“Ang napakaganda dito kahapon, napakaraming tao na naroon, Muslim at Kristiyano at ang prelatura ay nakabuo ng mga grupong volunteers mula sa mga grupong Muslim at Kristiyano at meron silang malinaw na gagawin para makabangon at meron na silang mga naitakdang istratehiya na sila yung gumawa… [Bukod dito] kasama ni Bishop [Edwin Dela Peña] yung mga redemptorist para magbigay ng kanilang mga tao para samahan si Bishop sa gawaing ito so merong mga plano, merong mga tao, merong mga volunteer at yung nabuong mga plano ay ayon sa kanilang pangangailangan at hindi kung ano pa man,” pahayag ni Fr. Gariguez sa Radyo Veritas.
Samantala, ipinaliwanag pa ng pari na unang pagtutuunan ng pansin ng Duyog Marawi ang 3,250 displaced families malapit sa Sultan Naga Dimaporo National Highway na halos hindi na naaabot ng tulong.
Sa kasalukuyan mahigit na sa tatlong buwan ang digmaan sa Marawi City dahil sa teroristang grupo ng Maute.
Nakapagtala na din ang autoridad ng 778 nasawi kabilang na ag mula sa panig ng mga terorista.
Bagamat hindi pa tuluyang natatapos ang digmaan positibo naman ang pagtingin ng mga Maranao sa pagbuo ng kanilang panibagong buhay.