470 total views
Pagkakaisa at pagtulong sa mahihirap.
Maliban sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, ito rin ang misyon ni Bishop Enrique Macaraeg, ang bagong obispo ng Diocese of Tarlac na itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Bishop Macaraeg paiigtingin din niya ang ibat –ibang formation program sa pamilya, kabataan at kaparian para sa kanilang spiritual renewal kasama na dito ang pagbibigay pansin sa mahihirap.
“Yung mga programa sa mga family, formation, youth formations, kaparian ang kanilang spiritual renewal at yung pagbibigay pansin sa mahihirap at sa kabatan dahil sila ang leaders ng ating simbahan later on sana mabigyan sila ng mission formation at yan ang aking tututukan.” Pahayag ni Bishop Macaraeg.
Labis pa rin ang papasalamat ni Bishop Enrique Macaraeg sa paghirang sa kanya ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang bagong obispo ng Diocese of Tarlac.
“Malaking karangalan para sa akin sa pagkahirang na obispo ng Tarlac, sana yung magawa matupad ko ang misyon na ibinigay sa atin ng Mahal na Santo Papa lalo na ngayong Year of Mercy na mabigyan ng pansin ang mga mahirap matupad na tayo ay maging maawain, merciful like our Lord. Mahalaga ang tungkulin ng obispo sa isang diocese siya ang mamumuno at mag guide kung anong direksyon ang kakaharapin.” Ayon kay Bishop Macaraeg
Nagagalak din si Bishop Macaraeg sa Santo Papa dahil sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya nito lalo na at hindi madali ang pamunuan ang isang diocese.
Umaasa naman ang obispo na magiging matagumpay ang kanyang pamamahala sa diocese sa tulong na rin ng mga layko, ng buong kaparian at ng mamamayan.
“Ako po ay nagagalak at nagpapasalamat sa pagpili ni Pope Francis na ako ay maging bishop ng Tarlac, sana maging successful ang Episcopal ministry sa diocese ng Tarlac, sa tulong na rin ng mga kaparian, faithful ay magkaisa isa kami na matupad ang misyon na ipalaganap ang ebanghelisasyon.” Ayon kay Bishop Macaraeg sa panayam ng Radypo Veritas.
Nito lamang nagdaang Mayo -24, ang ordinasyon ni Bishop Macaraeg at ngayong araw ang kanyang instalasyon sa pangunguna ng Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Guiseppe Pinto.
Si Bishop Macaraeg ang dating vicar-general ng archdiocese of Lingayen-Dagupan.
Nasa mahigit 90 na ang obispo ng Simbahang Katolika sa bansa.