54,214 total views
Mga Kapanalig, para sa grupong Child Rights Network (o CRN), masuwerte si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil napakapagdiwang pa siya ng kanyang 80th birthday noong Biyernes. Samantala, sina Althea Barbon, Myca Ulpina, Danica May Garcia, at Francis Manosa—mga batang hindi na umabot sa edad na walo dahil namatay sila sa war on drugs—ay hindi na makakapag-birthday kailanman.
Mahigit 150 na bata ang napatay mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2022 sa ngalan ng war on drugs. Dagdag sa kanila ang libu-libong batang iligal na inaretso at tinortyur, pati na rin ang mga naulila. Giit ng CRN: hindi collateral damage lamang ang mga bata. Sila sana ang mga susunod nating guro, pulis, doktor, magsasaka, at mga lider ng bayan. Mayroon silang mga hangarin at pangarap. Ngunit pinatay sila, inabuso, at marami ang patuloy na na-trauma at nangungulila sa magulang.
Para sa CRN, biktima ang mga batang ito ng pang-aabuso sa kapangyarihan. Kaya itinuturing nilang malaking hakbang tungo sa katarungan ang pagdakip kay dating Pangulong Duterte ng International Criminal Court (o ICC). Unang hakbang lamang ito. Upang masigurong mananagot ang lahat ng sangkot sa war on drugs at huwag nang maulit ito, naghain ang CRN ng anim na mungkahi sa administrasyon ni Pangulong BBM.
Una, nais nilang bumalik tayo sa Rome Statute na nagtatag sa ICC. Para sa CRN, mahalagang may ganitong alternatibong sistemang pangkatarungan sa harap ng mga pang-aabuso.
Ikalawa, pag-aralan daw dapat ang mga patakarang may kaugnayan sa war on drugs. Isa sa mga ito ang PNP Memo Circular 16-2016 na ginamit na katwiran ng mga tiwaling pulis para patayin ang mga suspek pa lamang o ang mga inaretso kaugnay ng iligal na droga.
Ikatlo, ituring dapat na usaping pangkalusugan ang isyu ng droga. Kailangang pagtuunan ang rehabilitasyon at ang pagbibigay-galang sa dignidad ng mga taong bahagi ng kanilang buhay ang droga.
Ikaapat, amyendahan na dapat ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at gawing prayoridad ang mga probisyong may kaugnayan sa kalusugan. Dapat ding palakasin ang safeguards ng batas laban sa iba’t ibang pang-aabuso katulad ng extrajudicial killings, tortyur, at maling pagtrato sa mga batang nasasangkot sa droga.
Ikalima, panagutin dapat ang lahat ng nasa likod ng war on drugs. Si dating Pangulong Duterte ay isa lamang sa mga pangunahing arkitekto nito. Nanawagan ang mga pamilya ng mga biktima at ang CRN na pagulungin na ang iba pang kaso sa bansa laban sa ibang kasama ng dating pangulo sa pagpapatupad ng war on drugs.
At panghuli, suportahan dapat ang mga batang naulila dahil sa war on drugs. Dapat tuparin ng pamahalaan ang tungkulin nitong itaguyod ang kabutihan ng mga bata, lalo na ang mga biktima ng madugong giyera kontra droga.
Ipinaaalala sa atin sa Mga Awit 127: 3 na “kaloob ng Diyos ang mga bata.” Pero bigo tayo, mga Kapanalig, na ingatan sila sa panahon ng pamamahala ng nagdaang administrasyon. Tiningnan lamang natin sila bilang collateral damage—mga bagay na hindi maiiwasang mapatay dahil sa isang huwad na giyera. Katulad ng sinasabi sa mga panlipunang turo ng Simbahan, mistulang masaker ang anumang giyera. Sinisira ng giyera ang ating kasalukuyan at kinokompromiso ang ating kinabukasan. Sinira at ipinagkait ng war on drugs ang kinabukasan ng maraming bata.
Mga Kapanalig, samahan natin ang mga pamilyang patuloy na nananawagan para sa katarungan. Suportahan natin ang mga inihaing hakbang ng CRN para sa kasalukuyang administrasyon. Kung may pagkakataon tayo, isulong natin ang mga ito sa ating mga parokya at komunidad. Sama-sama tayong kumilos upang wala ng kaloob ng Diyos—wala nang bata—ang hindi na makapagdiriwang ng kanilang birthday.
Sumainyo ang katotohanan.