315 total views
Kapanalig, napakahalaga ng ating pagkakakilanlan o identity. Ngayong mabilis ang pagbabago sa ating mundo, nagiging mas mahalaga ito. Kung wala tayong identity, lagi na lamang tayo mawawala, parang supot lamang na hinihipan ng hangin.
Sa ating bansa, ang pagkakakilanlan ay nagsisimula kahit hindi pa nasisilang ang bata. Binibigyan tayo ng pangalan ng ating mga magulang kahit sa sinapupunan pa lamang, at tunay na napapa-sa-atin ang atin ngalan sa kapanganakan. Kasabay ng personal na pagkakakilanlan na ito ay ang pagkilala din sa atin bilang Pilipino.
Kaya lamang ang pagkakataon na ito ay tila nagiging pribilehiyo lamang ng may pera upang masimulan ang proseso ng birth registration. Kung hindi mo nalalaman, kapanalig, maraming bata sa ating bayan ay hindi narehistro nuong sila ay pinanganak. Ayon sa datos ng Philippines Statistics Authority noong 2000, mga sampu hanggang 15 porsyento ng mga Filipino ay hindi naregister mula pagkasilang. Ayon naman sa Plan International noong 2013, umaabot ng 7.5 million Filipinos ang hindi narehistro. Karamihan sa kanila, mula sa mga malalayo at mahirap na mga lugar.
Kapanalig, ang birth registration ay hindi lamang isang simpleng dokumento. Ito ay mahalaga dahil kinakatawan nito ang ating karapatan sa pangalan at sa nationality. Ito ay nagpapakita na mahalaga tayo sa estado at sa batas na umiiral dito. Kapag wala kang birth certificate, kay hirap maka enroll, kahit sa preschool pa lamang. Mahirap kasi patunayan ang ating identity kung wala tayong birth certificate. Mahirap din maprotektahan ang mga bata sa mga problema gaya ng child labor dahil kapag walang birth certificate, mahirap patunayan ang edad ng isang indibidwal.
May implikasyon din ang birth registration sa pag-gawa ng batas, kapanalig. Kapag lahat ng sinisilang ay nalilista, mas targeted at angkop ang mga batas at budget na mailalaan ng isang barangay, syudad at munisipalidad, pati na rin ng nasyonal na pamahalaan. Kapag maayos ang birth registration ng bayan, mas makakatiyak tayo na walang maiiwan pagdating sa kaunlaran.
Kaya nga kapanalig, napakahalaga ng dokumentong ito. Kadalasan, ang maralita, lalo yaong mga nasa malalayong lugar, ang hindi nakakapagpalista ng mga bagong silang. Kadalasan, yung mga pinanganak sa bahay ang walang birth registration, kapanalig.
Sa puntong ito, kailangan muli ng information drive at pag-papa-alala sa mga kababayan nating hindi pa narehistro, at sa mga pamilyang magluluwal pa lamang ng kanilang mga supling. Kailangang malaman nila na ang pagrerehistro ay isang hakbang upang maramdaman ang kanilang kahalagahan sa bayan. Kailangan matulungan sila na magawa ito.
Kapanalig, ang pagkakakilanlan ay repleksyon ng ating dignidad. Dito nagkakaroon tayo ng pride at sense of belonging. Sa pagrerehistro pa lamang, nakikita na ang ating pagkakapantay-pantay sa batas bilang indibidwal at Pilipinong may angking dangal at dignidad. Dito, naipapakita ang ating karapatan, kapangyarihan at obligasyon, bilang mamamayan ng isang estado. At ayon nga sa Deus Caritas Est, mula sa ating “citizenship,” tinawatawag tayong aktibong makilahok sa pagsulong ng kabutihang balana sa ating sariling bansa.