202 total views
Rosaryo at Prayer book ang tanging tangan ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. sa kabila ng sunod-sunod sa pagpaslang sa mga pari..
“Wala rosaryo lang ano pa ba? At prayer book yung Breviary. God’s will be done” ayon sa obispo.
Ayon kay Bishop Bacani, ito ang hindi niya kinakalimutang dalhin sa tuwing lalabas ng silid dahil ipinapaubaya na niya sa Panginoon ang kaniyang buhay.
“I have no special pre-caution. Pag naglagay ako ng proteksyon papatayin din lang nila. di dadami pa… mabuti kung papatayin nila ako targetin na lang akong mag-isa. Hindi ko naman hinahanap ‘yun. Pero kung mangyari salamat sa Diyos, harinawa na lang na kung mangyari ‘yun ginagawa ko naman ang kaniyang kalooban,” ayon kay Bishop Bacani.
Ayon sa obispo, ang kalooban ng Diyos ang masusunod sakali mang may magtangka rin sa kaniyang buhay tulad na rin sa nangyaring pagpaslang kina Fr. Richmond Nilo ng Cabanatuan na kilalang tagapagtanggol ng pananampalataya; sina Fr. Mark Anthony Ventura ng Tuguegarao at Fr. Marcelito Paez ng San Jose, Nueva Ecija ay nagsusulong naman ng pangangalaga sa kalikasan at tagapagtanggol ng mga manggagawa.
Sinabi ng Obispo na ang pagkamatay ng mga paring ito ay magbubunga ng mabuti dahil kanilang sinikap na sundin ang kalooban ng Diyos at paggawa ng kabutihan sa kanilang kapwa.
“Pagka ikaw ay nagiging pari handa ka sa lahat. Handa ka talagang maging katulad ni Kristo maging hanggang sa pag-aalay ng buhay,” dagdag pa ng Obispo.
Si Bishop Bacani ay hayagan naman ng pagsusulong ng mga adbokasiya ng simbahan tulad ng pagkondena sa extra judicial killings at pagtatanggol sa kasagraduhan ng buhay.
Sa hiwalay na pahayag, hindi rin sang-ayon si Bishop Broderick Pabillo-chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity (CBCP-ECL) sa panukalang mag-armas ang mga pari.
“Hindi naman ‘yan paraan para ipagtanggol ang kanilang sarili. Ang mga pari ay handa sa anumang mangyari sa kanila. Pero hindi ang pakikipaglaban, hindi ‘yan ang solusyon,” ayon kay Bishop Pabillo.
Nanawagan din ang obispo hindi lamang sa mga pari kundi maging sa mga layko na mag-ingat subalit patuloy na manindigan para sa katotohanan at huwag matakot para isulong ang katarungan at kabutihan ng lahat sa kabila ng banta ng karahasan.
“Dapat mas maging maingat at dapat ang mga tao ay hindi magpabaya at mas maging vocal sa paninindigan para sa katotohanan at para sa kabutihan. Kasi kung magpapabaya tayo ung mga tao gagawin nila ang gusto nilang gawin kahit na masama. Panawagan sa lahat ito na mas maging vigilant ang mga tao at dapat manindigan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Una na ring nagpahayag ng pagtutol si CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles sa panukalang pag-aarmas sa mga pari.
Ayon kay Archbishop Valles, kaakibat ng pagiging pari ang pagharap sa panganib at kamatayan nang dahil sa misyon ng simbahan.
Tinatayang may higit sa 10,000 ang kabuuang pari sa buong bansa, kabilang na dito ang may 140 mga obispo mula sa 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa Pilipinas.