299 total views
Suportado ng Philippine Nurses Association, Inc. (PNA) ang pagsasawalang-bisa ng labing-isang taong moratorium na nagpaliban sa mga colleges at universities na mag-alok ng mga programang Nursing sa bansa.
Ayon kay Melvin Miranda-pangulo ng P-N-A, magandang hakbang ang desisyon ng Comission on Higher Education (CHED) sa pagkakaroon muli ng BS Nursing program sa mga Higher Education Institutions (HEIs).
Naniniwala ang P-N-A na ang pagtanggal ng moratorium ay bunga ng masusing pag-aaral at talakayan ng CHED en banc, kasama ng CHED technical panel on Nursing education.
Bagamat magbibigay daan ito sa pag-unlad ng sektor ng pangkalusugan sa bansa, hiling ni Miranda na bigyang pansin ang mga dahilan kung bakit ipinatupad ang moratorium.
“However, let’s go back of why nagkaroon tayo ng declaration of moratorium noon tulad sa kalidad, sa oversupply, sa performance ng ating mga graduates sa Nurse Licensure Examination, at sa ika-apat po na na-mention rin ng Comission on Higher Education is ‘yung nagkakaroon ng training fee sa mga graduate o registered nurses na pumapasok as entry sa employment ng hospital,” pahayag ni Miranda sa panayam ng Radio Veritas.
Taong 2011, sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno C. Aquino III, nang ideklara ng CHED ang ban dahil sa oversupply ng mga nursing graduates na may mahigit sa 200,000 mga unemployed nurses.
Pahayag ni Miranda, naging problema ang pagtaas ng supply ng mga nursing graduates sa bansa dahil kakaunti lamang ang demand ng trabaho sa Pilipinas kung kaya’t mas pinipili ng maraming healthcare workers na mangibang-bansa.
“So, we are considering sa data analytics din po ng supply and demand sa country as of December 2021 din ‘yung concern po natin sa supply and demand meron tayong oversupply pero ‘yung demand naman dito sa Pilipinas ay nagkukulang dahil [mostly] it is related to the contractualization, second is ‘yung related din sa limited plantilla that are being offered by the government and local government unit,” ayon pa sa pangulo ng PNA.
Ayon sa CHED, pahihintulutang muli ang mga HEIs na mag-alok ng Nursing programs bilang tugon sa kakulangan ng mga healthcare workers habang patuloy na kinakaharap ng bansa ang umiiral na pandemya.
Bukod sa kakulangan ng healthcare workers, nakikita ring dahilan ng CHED sa pag-alis ng moratorium ang unequal distribution ng mga HEIs na nag-aalok ng mga nursing program sa malalayong rehiyon, tulad ng Caraga (Region 13) na may talong pribadong HEIs lamang na nag-aalok ng nursing mula sa higit tatlong daang institusyon na may BSN program sa buong bansa. | with News Intern Cris Agustin