1,122 total views
Ipaunawa sa mamamayan ang tungkulin ng simbahan tungo sa pagkakaroon ng maayos na lipunan.
Ito ang layunin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Public Affairs sa paglulunsad ng 1st National Convention for Public Affairs’ Minister/Coordinator sa Diamond Hotel, Roxas Boulevard.
Ayon kay Imus Bishop Reynaldo Evangelista, chairman ng komisyon na mahalagang maunawaan ng mamamayan ang mabuting layunin ng simbahan sa pagkakaroon ng kapayapaan at kaayusan.
Batid ng Obispo na karamihan sa mga tao ay nagagalit sa simbahan tuwing magpapahayag ng saloobin tungkol sa pamahalaan.
“Lumitaw nga ngayon na maraming dapat i-ayos even mentality ng tao. Parang para sa kanila kapag nagsalita ang simbahan tungkol sa mga concerns ng government ay nangingialam ang simbahan,” pahayag ni Bishop Evangelista sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunita ang pagiging aktibo ng simbahan lalo na noong May 2022 National and Local Elections upang tulungan ang mga tao na makapili ng karapat dapat na ihahalal.
Ngunit iba ang naging pagtingin ng mamamayan tungkol dito at sinabing manatili na lamang ang simbahan sa pagpapahayag ng mabuting balita sa halip na mangialam sa mga gawain ng pamahalaan.
Nilinaw naman ni Bishop Evangelista na walang masamang hangarin ang simbahan sa pagpuna sa mga nangyayari sa lipunan at sa halip ay nais lamang ipabatid ang mga dapat na pagtuunan ng pamahalaan para sa ikabubuti ng nakararami.
Kaya naman sinisikap ng CBCP-ECPA ang pakikipagtulungan sa pamahalaan upang makatuwang sa pagsusulong ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan.
“Kaya dapat may boses ang simbahan. Kung papaano iaayos yun sa mentality ng mga tao its a process. Ofcourse yung collaboration nga ng simbahan sa government para matulungan at mapromote yung common good para sa society,” giit ni Bishop Evangelista.
Tema ng 2-day convention ang Church and State Collaboration and Conscientious Engagement in Serving the Nation na naglalayong mas patatagin pa ang ugnayan sa pagitan ng simbahan at pamahalaan para sa “common good”.
Pinangunahan ni Bishop Evangelista at Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-ECPA ang pagbubukas sa pagtitipon na dinaluhan naman ng mga Obispo at pari mula sa iba’t ibang diyosesis.