67,659 total views
Hinihintay na lamang ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pasya ng Kaniyang Kabanalan Francisco sa mungkahing pagkakaroon ng ng Personal Prelature para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang panukala ay muli ring tinalakay ng kalipunan ng mga obispo sa katatapos lamang na 127th CBCP general assembly sa Pope Pius XII.
Ipinaliwanag ng Obispo na layunin ng pagkakaroon ng bukod na diyosesis ay upang mapangalagaan ang pananampalataya ng mga OFW sa iba’t ibang bansa, pagkakaroon ng sariling obispo at mga paring Filipino.
Isa rin itong paraan, upang mapag-ibayo ang pakikibahagi ng mga Filipinong Katoliko sa pagpapahayag ng kanilang pananampalataya na ayon sa kultura ng Pilipinas at mapalawak ang pananampalataya maging ng ibang lahi.
“So meron silang unique na pangangailangan na very different sa ibang culture. So, isa ito sa nais nating ma-preserve ‘yung Filipino culture of Christianity ng pagka-Katoliko natin ay huwag ding mawala. At magiging instrumento pa nga, magiging malakas pa nga na instrumento na makatulong tayo…na our participation and our sharing in the, pagpapalago ng mga pananampalataya ng iba pang mga nationality,” ayon pa kay Bishop Bagaforo sa panayam ng programang Pastoral Visit on-the-air ng Radyo Veritas.
Ang pagkakaroon ng prelatura na para sa mga OFW ay unang inaprubahan ng mga obispo sa mga nakalipas na pagtitipon na layong magkaroon ng hiwalay na diyosesis ang mga Filipino na nasa ibayong dagat.
Ibinahagi ni Bishop Bagaforo ng Caritas Philippines na ang usapin ay naghihintay na lamang ng tugon mula sa Santo Papa.
Sa kasalukuyan ang Pilipinas ay binubuo ng 86 na diyosesis na siyang nangangasiwa sa higit 80 milyong populasyon ng mga katoliko sa bansa.
Nabatid sa tala na may 10 milyon ang mga Filipino na nagtatrabaho at naninirahan sa ibayong dagat na una na ring kinilala ng Santo Papa bilang ‘smugglers of faith’ dahil sa masigasig na pagpapahayag ng pananampalataya sa mga bansang kanilang pinaglilingkuran.