246 total views
Pinuna ng dating Obispo ng Diyosesis ng Novaliches ang desisyon ng pulisya kaugnay sa paghahain ng sedition case laban sa mga inaakusahang sangkot sa videong ‘Ang Totoong Narco-list.”
Ayon kay Bishop Teodoro Bacani Jr. walang katotohanan ang akusasyon laban sa kanya at sa iba pang Obispong isinangkot dito sapagkat hindi pa nito nakaharap ng personal si Peter Joemel ‘Bikoy’ Advincula.
“That shows how stupid the police are, madali silang lokohin,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, walang kakayahang mag-assess ang PNP-CIDG sapagkat pinaniniwalaan ang tumatayong saksi kahit na hindi kapani-paniwala ang mga testimonya nito.
Ikinagulat din ni Bishop Bacani ang pagkasangkot ng pangalan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco dahil tahimik lamang itong namamahala sa kanyang diyosesis at gumagabay sa mga kawang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.
Batay sa ulat naghain ng kasong Sedition ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong ika – 18 ng Hulyo laban kina Vice President Leni Robredo at 35 indibidwal kabilang na sina dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Fr. Robert Reyes, Fr. Albert Alejo at Fr. Flaviano Villanueva.
“The witness is completely unbelievable, it could be stupid for them and they looks stupid before the world if they file the charges based on the comment of that person because he is completely untrustworthy,” dagdag pa ni Bishop Bacani.
Hinala ng Obispo na may usapin sa bansa ang nais pagtakpan ng administrasyon kaya’t gumawa ito ng mga pamamaraan upang lituhin ang mamamayan sa tunay na suliraning kinakaharap ng mga Filipino tulad ng kahirapan at laganap na extra judicial killings.
“Kapag may ginagawang ganyan mayroon na naman yang gustong pagtakpan ang administrasyon, meron silang gustong itago na ayaw nilang mapansin ng tao,” saad pa ni Bishop Bacani.
Una nang itinanggi ng Malakanyang na may kinalaman ito sa paghahain ng Sedition case sa mga kritiko ng administrasyon at sinabing ipauubaya sa hukuman ang paghatol sa nasabing kaso.
Magugunitang nitong Hulyo lamang ay kinatigan ng 18 sa 47 bansa na kasapi ng United Nations Human Rights Council ang resolusyon na inihain ng Iceland na layong paimbestigahan ang Pilipinas sa usaping paglabag ng karapatang pantao.
ANG TOTOONG NARCO-LIST
Bago ang National election nitong Mayo lumabas ang isang video na kumalat sa iba’t ibang social media sites kung saan iniugnay ang pamilya ng Pangulong Rodrigo Duterte at mga malalapit na kaibigan sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa Pilipinas.
Noong Mayo din lumantad si Advincula sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines kung saan inamin na siya ang hooded narrator sa nasabing video subalit kalaunan ay binaliktad ang mga pahayag at sinabing ang video ng ‘Ang Totoong Narco-list’ ay bahagi ng Project Sodoma na layong sirain ang imahe ng pangulo at pamamahala sa bansa.
Mariin namang itinanggi ng mga taga oposisyon ang mga pahayag ni Advincula at umaasang lalabas ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon.