179 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na misa matapos isagawa ang March for Mary and Filipino Family.
Sa pagninilay ng Kardinal, binigyang diin nito ang tatlong bagay na mahalaga upang makamit ang “Harmony” o pagkakasundo na isa sa mga kinakailangan ng mga mananampalataya ngayong panahon ng adbiyento, at paghahanda sa pagdating ng Panginoong Hesus.
Ayon sa Cardinal makakamit lamang ang pagkaksundo kung mayroong justice, humility and repentance.
Tinukoy ni Cardinal Tagle na kung wala nito ay hindi mamamayani ang pagkakasundo at sa halip ay lalaganap ang pagtapak sa kapwa, panghuhusga, diskriminasyon at kawalang katarungan.
“Pagsinabi nating come Lord Jesus, halina Hesus, part of the prayer is restore harmony in me, in my family, in our neighborhood in our country in our world, in our family of creation. Jesus will give it but we need to do our share, justice, humility that accepts other people and repentance in mind and action.” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Umaasa ang Arsobispo na ang pamilya ang magsisilbing unang paaralan upang matutunan ng mga kabataan ang katarungan, pagpapakumbaba at pagbabalik loob.
Ipinagdarasal ni Cardinal Tagle na umusbong sa pamilya ang kagandaang loob ng bawat mananampalataya na pagmumulan ng pagkakasundo ng buong lipunan.
Ngayong 2019 ang kauna-unahang pagkakataon ng pagsasagawa ng March for Mary and Filipino Family sa pangunguna ng Prolife Philippines Foundation Inc.
Inihayag ng grupo na magpapatuloy ang gawaing ito taun-taon upang maimulat ang mga Pilipino kaugnay sa bantang kinakaharap ng bawat pamilya dahil sa iba’t-ibang mga moral na usapin sa lipunan.
Bukod sa panawagan sa mga pamilya, hinamon naman ni Cardinal Tagle ang kapulisan na maging instrumento ng pagkakasundo sa lipunan.
Umaasa si Cardinal Tagle na maging makatarungan ang hatol ng mga pulis at maging daan sa moral spiritual conversion ng lipunan habang tinutupad ang kanilang tungkulin na panatilihin ang kaayusan sa pamayanan.
“Salamat po sa ating mga kapatid sa kapulisan na nakikimisyon, sana po ay sa pamamagitan ng makatarungang paglilitis, sa pamamagitan ng mapagpakumbabang paglilingkod , at yung patuloy na conversion, yung moral spiritual conversion, kayo po ay maging mga instrumento ng harmony sa ating lipunan na laging may banta ng disharmony.” Pahayag pa ni Cardinal Tagle.
Tinatayang 1, 500 mga pulis ang nakiisa sa pagdiriwang ng banal na misa sa Minor Basilica of the Immaculate Conception – Manila Cathedral.
Nagbigay din ng pagbati si NCRPO Regional Chief PBGen. Debold Sinas, kay Cardinal Tagle, kasama ang ibang opisyal ng Philippine National Police.
Ayon kay Sinas, ginawa ito ng kapulisan upang mapalalim ang ispiritualidad ng kanilang hanay, at itinapat nila ang pagbisita sa Arsobispo ngayong ipinagdiriwang ng simbahan ang ikalawang linggo sa panahon ng adbiyento at kapistahan ng Immaculada Concepcion.
Kabilang sa napag-usapan nila Sinas at Cardinal Tagle ay ang paghahanda para sa nalalapit na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno na siyang pinakamalaking gawain ng pagpapamalas ng debosyon ng mga katoliko sa Pilipinas.