373 total views
Isang karangalan para sa Arkidiyosesis ng Cebu at ng mga Filipino ang pagkakatalaga ni Monsignor John Thomas Limchua bilang Papal Chaplain.
Ayon kay Rev. Msgr. Joseph Tan, ang tagapagsalita ng arkidiyosesis, indikasyon ito ng pagtitiwala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kakayahan ng mga Filipino na gampanan ang mga tungkulin ng paglilingkod sa simbahang katolika.
“Tanda ito ng kasiyahan ng Santo Papa Francisco sa serbisyo at paglilingkod ni Msgr. [John] Limchua sa Santo Papa at sa buong simbahang katolika,” mensahe ni Msgr. Tan sa panayam ng Radio Veritas.
Bukod sa pagiging Papal Chaplain, nauna nang naitalaga si Msgr. Limchua bilang opisyal ng Section for the Relations with States sa Vatican nitong Hulyo sa ilalim ng Secretariat of State of the Holy See.
Magsisilbing spiritual servant si Msgr. Limchua ng Papal household o Papal chapel.
Nagsimula si Msgr. Limchua sa diplomatic service noong Setyembre 2014 at naglingkod sa Apostolic Nunciature ng Benin at Togo sa West Africa at sa Egypt.
Nagtapos ang pari ng kanyang Theological studies sa Faculty of Theology sa University of Navarre sa Pamplona Spain habang ang kanyang doctorate in Canon Law naman sa Pontifical Lateran University sa Roma.
2010 naman ng maordinahang pari si Msgr. Limchua sa Arkidiyosesis ng Cebu at sumailalim ng diplomatic formation sa Pontifical Ecclesiastical Academy, ang Diplomatic school ng Vatican.
Nagpaabot ng pagbati ang arkidiyosesis kay Msgr. Limchua kasabay ng pananalangin para sa bagong misyong paglilingkod sa Santo Papa.
“Sa ngalan ng ating Arsobispo Jose S. Palma at sa lahat ng mga pari, relihiyoso at mga layko ng Cebu, binabati namin si Msgr. John Thomas Limchua sa karangalan na ipinagkaloob ng Santo Papa sa kanya bilang Papl Chaplain to His Holiness,” dagdag pa ni Msgr. Tan.
Bukod kay Msgr. Limchua, dalawa pang Cebuanong pari ang naging bahagi sa diplomatic service ang magkapatid na si Archbishop Osvaldo Padilla, ang Apostolic Nuncio Emeritus ng Korea at Archbishop Francisco Padilla na kasalukuyang Apostolic Nuncio naman ng Guatemala.