22,532 total views
Tiniyak ng European Union ang pagpapaigting sa mga programang makatutulong sa mga Pilipino tulad ng edukasyon.
Umaasa si Dr. Ana Isabel Sánchez-Ruiz, Deputy Head of Delegation ng European Union Delegation to the Philippines na mas maraming Pilipino lalo na ang mga kabataan na makinabang sa Erasmus Mundus na isang programa ng EU.
“The idea of Erasmus is to allow everyone who has an interest to be able to study to pursue their dreams, I hope Filipinos explore Erasmus because we are trying to get more Filipino applicants,” pahayag ni Ruiz sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng EU official na suportado ng EU ang lahat ng gastusin ng mga kwalipikadong estudyante upang matiyak na matustusan ang mga pangangailangan habang nag-aaral.
Muling inaanyayahan ni Ruiz ang mga academicians, estudyante, at mga mananaliksik sa isasagawang European Higher Education Fair (EHEF) 2024 na layong itaguyod ang student mobility at pagpapaigting ng academic excellence.
Isasagawa ito sa November 22 at 23 sa Robinsons Galleria, Ortigas habang ang online session naman sa pamamagitan ng Zoom sa November 25.
Layunin ng EHEF na magkaroon ng direktang ugnayan ang mga Pilipinong nagnanais makapag-aral sa nangngunang unibersidad sa Europa para sa mas malawak na oportunidad.
Sinabi ni EU Ambassador Massimo Santoro na ito ang isa sa mga paraan ng pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at EU member states.
“The European Higher Education Fair reflects the EU’s commitment to providing an immersive platform to explore a diverse array of opportunities, resources, and insights for Filipino students interested in pursuing their higher education in the European Union,” ani Santoro.
Tampok sa EHEF ngayong taon ang 77 higher education institutions at diplomatic missions mula sa mga bansang Belgium, The Czech Republic, Denmark, Spain, France, Germany, Ireland, Italy, Hungary, The Netherlands, Austria, Poland, Finland, Sweden at g European Union.
Katuwang ng EU sa pagsasagawa ng taunang EHEF ang EU Member States Embassies, educations institutions sa bansa at ang Commission on Higher Education.
Kabilang naman sa Regional Hubs ng 2024 EHEF ang University of Santo Tomas (Metro Manila), Wesleyan University (Luzon), and Xavier University – Ateneo de Cagayan (Mindanao); and University Partners Ateneo de Manila University – European Studies Programme, De La Salle University, Enderun College, Holy Cross of Davao College, Lyceum Philippines University – Cavite, Mabalacat City College at World Citi College.