432 total views
Mariing kinundena ng Simbahang Katolika ang pagkamatay ng Overseas Filipino Workers sa Kuwait nitong linggo.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP -ECMI), malinaw na lumabag ang pamahalaan ng Kuwait sa nilagdaang kasunduan na proteksyon sa mga OFW na nagsisilbi sa kanilang bansa.
“It was a failure on their part and clear violation of signed agreement,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Aniya, dapat panagutin ang pamahalaan ng Kuwait sa pagkamatay ng OFW dahil bigong protektahan ang mga manggagawa na naglilingkod sa kanilang mamamayan batay na rin sa kasunduang nilagdaan isang taon ang nakalipas.
“The Kuwait government is accountable for this gruesome death of our OFW, Constance Dayag, she has not been protected,” ani ni Bishop Santos.
Magugunitang ika – 11 ng Mayo 2018, nilagdaan ng Pilipinas at Kuwait sa pamamagitan ni dating Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Foreign Minister Sheikh Sabah Khalid Al Hamad Al Sabah ang kasunduan para mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho sa Kuwait.
Napapaloob din sa kasunduan ang pagkakaroon ng special police unit na tutulong sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait sa mga isasagawang rescue operations tuwing may mangangailangan ng tulong.
Dahil dito, umapela si Bishop Santos sa mga opisyal ng Pilipinas na pursigihin at igiit ang batas upang makamit ng biktim ang katarungang nararapat at tuluyang mapanagot sa batas ang salarin.
“Our government officials should not stop until the guilty is punished by law, and justice for Contancia is done, the abusive employer must be prosecuted, and justice be rendered,” giit ng pinuno ng CBCP – ECMI.
Tiniyak naman ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na gagawin ng pamahalaan ang mga hakbang na mabigyang katarungan ang pagkamatay ni Constanciaa Dayag na residente ng Agadanan, Isabela.
TRABAHO PARA SA MGA FILIPINO
Hiniling naman ni Bishop Santos sa pamahalaan na lumikha ng maraming trabaho para sa mga Filipino upang manatili na lamang ito sa Pilipinas kapiling ang mga mahal sa buhay.
Aniya, kaakibat ng paglikha ng mga trabaho dapat tiyakin din ang sapat na sahod at benepisyo ng mga manggagawa kapalit ng kanilang pagpupursigi, batay na rin sa nakasaad sa ensiklikal ni Saint John Paul II na Laborem Excersens na ang tamang pasahod at benipisyo ay karapatan ng bawat manggagawa.
“Please make laws which will create more jobs here so that our people will never be forced to seek jobs abroad, and leave their loved ones,” saad ni Bishop Santos.
Nanawagan din ng Obispo sa mga bagong halal na mambabatas na kalugod-lugod na paglilingkod sa bayan ang paglikha ng mga batas na titiyak sa kaligtasan ng higit 10 milyong OFW sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
“For our newly elected government officials, it is a great service to our OFWs to promulgate laws which will protect our OFWs and promote their rights,” ani ng Obispo.