3,168 total views
Nanawagan ang liderato ng Kamara sa House Committee on Public Order and Safety na magsagawa ng imbestigasyon sa kaduda-dudang pagkawala ng ilan sa mga security personnel ng napaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo sa araw ng naganap ang pamamaril.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez apat sa anim na police escorts ni Degamo ang hindi pumasok sa trabaho noong March 4, ang araw na napaslang ang gobernador at walo pang katao na karamihan ay pawang mga sibilyan na pinagbabaril kaniyang tahanan.
Ayon pa kay Romualdez, una na ring ipinaalam ni Degamo ang banta sa kanyang buhay, kaya’t dapat lamang na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad ang kanyang tagapagbantay.
“It appears that the perpetrators were aware of the fact that Gov. Degamo has practically no protection so they could easily accomplish their mission to assassinate him,” ayon pa kay Romualdez.
Dagdag pa ng mambabatas, tila may pagkakapareho tin ang pagpaslang kay Degamo sa 2018 assassination ni Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe, na sa kabila ng banta sa buhay ay binawi ng Philippine National Police (PNP) ang dalawa sa tatlong police escorts ilang araw bago napaslang.
Una ng hinimok ni Romualdez si Negros Oriental 3rd district Representative Arnolfo Teves na bumalik na sa Pilipinas na itinuturong may kinalaman sa pamamaslang sa gobernador.
“We all want to hear his side of the story. Maraming buhay ang nawala maliban kay Gov. Degamo. Umamin na ang mga nahuling salarin sa partisipasyon nila sa krimen. Hindi titigil ang pamahalaan para kilalanin at papanagutin ang mga nasa likod ng brutal na krimeng ito,” ani Romualdez.
Si Teves ay nagtungo Estados Unidos na ayon sa kaniyang ‘travel authority’ ay mula February 28 hanggang March 9- na humiling na mapalawig pa ang pananatili sa US ng hanggang April 9 ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.