25,603 total views
Ikinalungkot ng Kanyang Kabanalan Francisco ang nagpapatuloy na karahasang nangyayari sa Gaza Strip lalo na ang pagkakapaslang sa mga taong tumutulong sa mga inosenteng sibilyan.
Dalangin ni Pope Francis ang katatagan ng mga pamilyang naiwan ng mga biktima ng karahasan at muling umapela sa kinauukulan na pahintulutan ang humanitarian aid para sa kapakinabangan ng mga sibilyang naiipit sa kaguluhan.
“I express my deep regret for the volunteers killed while engaged in the distribution of humanitarian aid in Gaza. I pray for them and their families. I renew my appeal for the exhausted and suffering civilian population to be given access to humanitarian aid and for the hostages to be released immediately,” mensahe ni Pope Francis.
Batay sa ulat, pitong volunteer’s ng non-profit World Central Kitchen ang napatay sa pag-atake ng Israeli military habang naghahatid ng mga pagkain sa mga nagugutom na sibilyan sa Gaza.
Tinamaan ang kanilang convoy sa pag-atake sa Deir Al-Balah warehouse dala ang mahigit sa 100 toneladang pagkain, sa kabila ng pakikipag-ugnayan sa Israel Defense Forces.
Kabilang sa mga nasawi ang isang US-Canada national, mga indibidwal mula Australia, Poland, tatlong taga United Kingdom at isang Palestinian.
Panawagan ni Pope Francis sa magkabilang panig na iwasan ang anumang hakbang na magpapalala sa sitwasyon sa lugar sa halip ay magtulungang isulong ang pagkakasundo para sa kapayapaan ng pamayanan.
“Let us avoid all irresponsible attempts to broaden the conflict in the region, and let us work so that this and other wars that continue to bring death and suffering to so many parts of the world may end as soon as possible. Let us pray and work tirelessly for weapons to be silenced and for peace to reign once again,” ani Pope Francis.
Mula nang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas militant group nasa 165 volunteer’s ng United Nations Relief and Works Agency for Palestinian Refugees ang nasawi.
Patuloy ang panalangin ng simbahang katolika na mawakasan ang mga digmaang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at binigyang diin na pawang pagkasira ng lipunan ang idudulot ng karahasan.