185 total views
Hindi ka ba nababahala sa pagkasira ng iba’t ibang institusyon ng ating bayan, kapanalig? Isa isang pinatutumba ang reputasyon at kredibilidad ng ating mga haligi. Sa halip na patatagin ang mga institusyon – mga pundasyon – ng bayan, pilit itong sinisira at dinudumihan ng mga taong may hawak ng kapangyarihan sa bansa.
Unang sinira ang kredibilidad ng media, kapanalig. Binuwag ng nasa poder ang tiwala ng tao sa ating media sector, na hindi man perpekto, kapanalig, ngunit sandigan pa rin ng tao. Ang media sana, kapanalig, ang kasangga natin sa pagbubungkal sa katotohanan. Ngayon, hindi na natin alam kung ano ang totoo. Ngayon, lahat na lamang ay fake news.
Nabuwag na rin ang mga pamilya, lalo na mula sa maralita. Sa halip na patatagin ito at iahon sa kahirapan, ang maralita ay ginawang mga latak ng lipunan. Ang buhay nila ay nawalan ng halaga. Sa laban sa droga, sila ang unang namatay, sa hanay nila ang maraming naulila. Sa panahon ng pandemya, sila ang unang nadapa sa kahirapan. Ang mga drivers naging pulubi, ang mga vendors, kinukulong, ginugulpi.
Nawalan na rin ng tiwala ang maraming mga Filipino sa kapulisan. Kaliwa’t kanan ang batikos sa kanilang hanay sa ngayon. Noong nakaranang taon, halos 80% ng mga nasurvey ng SWS ang naniniwala na may ninja cops – mga pulis na nagre-recycle ng mga droga.
Ngayon, pati ang sektor ng edukasyon ay binabahiran na rin ang reputasyon. Inaakusahan ng AFP at ng iba pang nasa poder na ang UP ay sentro ng communist recruitment, pati na rin ang iba pang naglalakihang unibersidad gaya ng Ateneo, La Salle, UST at FEU. Sa panahon ng online learning, kung saan ang mga bata ay wala sa campus, saka pa nabansagan ang mga paaralang ito na communist hubs.
Ang ating lipunan, dahil sa hinayaan nating masira ang mga institusyon ng bayan, ay watak watak. Hindi tayo magkasundo, hindi tayo magkaintindihan. Ika nga – na divide na tayo, kapanalig, kaya napakadaling ma-conquer. Sa susunod na mga araw, kung tayo ay mananatiling marupok at hiwa-hiwalay, unti-unti ng mananakaw ang ating kalayaan at demokrasya. Malalagay sa peligro ang ating konstitusyon. Maaring mabalahaw pa ang darating na eleksyon.
Ang mga institusyon ng bayan, kapanalig, ay dangal ng ating bansa. Hindi ito dapat maging “political pawns,” mga bagay na dapat ipatumba o kontrolin upang may mga pinunong tuloy tuloy ang paghahari. Ang mga institusyon ng bayan ay ating depensa, sandigan, at kaalyado. Sila ay tinatag para sa tao. Ayon nga sa Mater et Magistra, kung wala na ang mga institusyon ng bayan, “incurable disorder ensues.” Ayon pa sa Pacem in Terris: Human society can be neither well-ordered nor prosperous unless it has some people invested with legitimate authority to preserve its institutions and to devote themselves as far as is necessary to work and care for the good of all.
Sumainyo ang Katotohanan.