693 total views
Itinuturing na biyaya at hamon ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng Diyosesis ng Malolos.
Ayon sa Obispo, bagamat sinasalamin ng anim na dekada ng Diyosesis ang malalim na pananampalataya ng mga Katoliko sa lugar ay mahalaga pa ring higit na mapagyabong at mapagyaman ito sa pamamagitan ng patuloy na paggabay ng Panginoon.
Paliwanag ni Bishop Villarojo, kasabay ng pagbabalik-tanaw sa mayamang naging bunga ng punla ng pananampalatayang Katoliko sa Diyosesis ay ang hamon para sa bawat isa partikular na sa mga lingkod ng Simbahan na patuloy na palaganapin ang Kristiyanismo lalo na para sa susunod pang henerasyon.
“It’s also a challenge para sa atin, para sa amin dito sa Malolos na pagyabungin at pagyamanin pa, palalimin ang pananampalataya namin dito na nakikita ko naman bilang isang relatively bagong Obispo dito na nadatnan ko na talagang napakalalim at napakamakulay ng pananampalataya ng mga Bulakeño at yun ay pinagpapasalamat namin, natin sa Panginoon dahil wala naman tayong magagawa kapag hindi ang Panginoon mismo ang gumawa at nagbibigay ng biyaya,” ang bahagi ng pahayag ni Malolos Bishop Dennis Villarojo sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo, naaangkop ang tema ng ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng Diyosesis ng Malolos na “Pinagkalooban” bilang pagkilala sa biyaya ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa kung saan patuloy ring ginugunita ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa.
“Ang tema ng pagdiriwang na ito is ‘Pinagkalooban’ it is a recognition, an acknowledgment sa amin na mga tao dito sa Malolos sa ipinagkaloob ng Panginoon, ang biyaya ng pananampalataya na nagkataon naman sa ating 500 years of Christianity. This is the 60th anniversary of the diocese of Malolos, yung pagkakatatag niya at kung ang isang sambayan ay nagiging isang diyosesis yan ay isang malaking biyaya sapagkat ito’y palatandaan na ang pananampalataya ng mga tao sa lugar na yun ay nagiging mature na at magiging independent na siya na isang eclesiastical teritory,” dagdag pa ni Bishop Villarojo.
Sa loob ng 60-taon ay limang Obispo na ang nagsilbing punong pastol ng Diyosesis ng Malolos na kinabibilangan nina Bishop Manuel P. del Rosario, D.D. – ang kauna-unahang obispo ng diyosesis mula 1962-1977; Bishop Cirilo R. Almario, Jr., D.D. – 1977-1996; Bishop Rolando Octavus Joven T. Tirona, D.D. – 1996-2003; Bishop Jose F. Oliveros, D.D. – 2004-2018; at si Bishop Dennis C. Villarojo, D.D ang ika-limang Obispo ng Malolos na iniluklok noong Agosto 21, 2019.
Ang Diyosesis ng Malolos ay isa sa mga diyosesis na sakop ng Probinsiya Eklesiyastikal ng Maynila na binubuo ng buong lalawigan ng Bulacan at buong lungsod ng Valenzuela na sakop ng Kalakhang Maynila.