272 total views
Hinikayat ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas presidente ng cbcp ang sambayanang Pilipino na magdasal ng santo rosaryo, magsimba araw-araw at magkumpisal para sa pagbabago ng bansa.
Ito ang nilalaman ng pahatid pastoral ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa kapistahan ng Mahal na birhen ng Santo Rosaryo ngayong araw ika-2 ng Oktubre 2016.
Ayon kay Archbishop Villegas, sa pamamagitan nito ay mapaghilom ang bansa sa galit at di pagkakaunawaan.
Tiwala si Archbishop Villegas na sa pagdarasal ng 20-misteryo ng santo rosaryo kada araw ng mga mananampalataya ay makapagpapabago sa kaisipan at pag-uugali ng mga Filipino.
“Magdasal tayo ng dalawampung misteryo ng ROSARYO araw araw sa lahat ng lalawigan sa Pilipinas. Isang Milyong Rosas para sa Mundo – Mga Pilipinong nananalangin para sa bayan. Mabisang sandata ang pananalangin ng rosaryo sa ating mga kamay at labi. Kay simple na pinawawalang bahala natin ngunit gayung kamakapangyarihan na mapagbabago ang ating mundo.” mensahe ni Archbishop Villegas.
Paghikayat ng Arsobispo na ang pagsisimba araw-araw at pagtanggap ng eukaristiya ay magiging daan ng mga Pilipino para sa paghilom ng mga sugat ng pagkamanhid, pag-aalinlangan, kawalang pag-ibig at kawalang pakialam sa bayan.
“Magsimba araw araw upang ang EUKARISTIYA ang pagmulan na paghihilom ng mga Pilipino dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat – paghihilom mula sa mga sugat ng galit at pagkamanhid, pagaalinlangan at kawalang pag-ibig, pagkabulag at kawalang pakiramdam, kawalang pakialam at pananamlay. Hihilumin ang ating bayan kung sisikapin nating araw araw na tumanggap ng Banal na Komunyon. Huwag nating kalimutan na ang isang Eukaristiya na mapagmahal na inialay ay sapat nang papanibaguhin ang buong sanlibutan. Paano pa kaya kung para sa ating bansa?” dagdag pahayag ng Arsobispo
Ipinaalala ng Arsobispo higit sa lahat ang pagdulog sa sakramento ng kumpisal na siyang paglapit sa Diyos dahil sa ating paglabag at paglapastangan sa kanya.
“Dumulog din ng madalas sa Sakramento ng KUMPISAL kahit minsan sa isang buwam. Sinabi ng Mahal na Ina sa Fatima: “Huwag na sana nilang muling sasaktan ang Panginoong Diyos sapagkat sukdulan na nila siyang binigo at sinaktan.” Tayo’y magtika at magsakripisyo. Ipangako na sisikaping tutuparin ang mga Utos ng Diyos at pagsisihan ang mga paglabag dito at mga paglapastangan sa Diyos.” mensahe ng CBCP President
Iginiit ng Arsobispo na sa kapangyarihan ng banal na Rosaryo, ng dakilang handog ng Banal na Komunyon araw araw at sa mapagpakumbabang pagsisisi sa kasalanan ay malalabanan ang mga kalituhan at pagkakamali.
Ikinababahala naman ng Arsobispo na dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa ay tuluyang maglaho na ang natataging pagkamaka-diyos, makatao at makabayan ng mga Filipino.
“Nakakahiya ang mga nababasa kong balita tungkol sa Pilipinas sa mga pahayag ng international media. Lalo pang nakakahiya ang naririnig ko mula sa ating mga pinuno sa mga balitang pambansa. Nakakalungkot na naglalaho at gumuguho na ang mga itinatangi nating mga pinahahalagagan bilang mga Pilipino – ang pagiging maka- Diyos, makatao at maka-bayan – ay unti unting napapalitan ng garapalang pagsasalita ng masama, tahasang pagsisinungaling at malulutong na pagmumura.” pahayag ni Archbishop Villegas
Ikinatatakot din ng Arsobispo na darating ang araw na tutularan ng mga bata ang mga binaluktot na pinahahalagahan.
Ipinaalala din ng Arsobispo ngayong darating na ika-13 ng Oktubre ay gugunitain at ipagdiriwang ng buong Simbahan ang ika-99 na taong pagpapakita ng mahal na birheng Maria sa tatlong bata sa Fatima, Portugal at susunod na taon ay kanyang centenary celebration.