307 total views
Mga Kapanalig, bago matapos ang administrasyon ni Pangulong Duterte, isang magandang batas para sa mga batang Pilipino ang naipasa. Ito ang Republic Act No. 11767 o ang Foundling Recognition and Protection Act.
Bakit mahalaga ang batas na ito?
Sa ilalim ng bagong batas na ito, kikilalanin bilang natural-born Filipino ang isang foundling o sanggol na inabandona sa loob ng ating bansa o maging sa mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa, anuman ang sitwasyon o kundisyon kung saan siya ipinanganak. Samakatuwid ang bawat foundling ay mayroong mga karapatan at pagkakalooban ng proteksyon bilang mamamayan ng Pilipinas mula sa kanyang pagkasilang. Hindi na kailangang patunayan pang siya ay Pilipino. Tandaan nating ang pagkamamamayan o citizenship sa ating bansa ay sumusunod sa prinsipyo na kung tawagin ay jus sanguinis. Ibig sabihin, Pilipino ang isang indibidwal kung ang isa sa kanyang mga magulang o kung kapwa ang kanyang nanay at tatay ay Pilipino, saan mang bansa siya isinilang. Bago naipasa ang Foundling Recognition and Protection Act, hindi kinikilalang mamamayan ng Pilipinas ang isang foundling na hindi tukoy ang pagkakakilanlan at nasyonalidad ng kanyang mga magulang.
Noong 2021, nagpropseso ang Philippine Statistics Authrouty (o PSA) ng mahigit 6,000 certificates of foundlings. Ayon naman sa Department of Social Welfare and Development (o DSWD), halos 1,500 foundlings ang maaaring ampunin o for legal adoption mula 2009 hanggang 2021. Hindi kakaunti ang mga foundlings. Sabi nga ni Senadora Risa Hontiveros, isa sa mga may-akda ng Foundling Recognition and Protection Act, isinusulong ng batas ang tinatawag na best interest of the child o ang pinakamabuti para sa bata. Aniya, sa matagal na panahong walang ganitong batas, maraming bata ang napagkaitan hindi lamang ng pagkakataong magkaroon ng pamilya, kundi pati ng karapatang magkaroon ng pangalan, magkaroon ng nasyonalidad, at makinabang sa mga programa at serbisyo ng gobyerno. Kaya magandang balita ang pagkakaroon ng batas na pupuno sa mga kakulangang ito.
Maliban sa pagbibigay ng pagkamamamayan o nasyonalidad sa mga foundlings, ang isa pang mahalagang probisyon ng batas na ito ay ang pagkakaroon ng tinatawag na safe haven o mga pasilidad na mangangalaga at magbibigay ng ligtas na tahanan para sa mga foundlings. Maaaring ipagkatiwala ng mga magulang ang kanilang sanggol sa mga safe havens gaya ng mga health care facilities at DSWD residential care centers sa loob ng tatlumpung araw kung wala na silang ibang magagawa pa kundi ang ipaampon ang kanilang anak. Sa pamamagitan ng mga safe havens na ito, maiiwasan na ang mga kaso ng pag-iwan sa mga sanggol sa mga delikadong lugar gaya ng palikuran, bangketa, at basurahan. Hindi nito hinihikayat ang basta-basta na lang na pagpapaampon sa mga sanggol, bagkus ay binibigyan-diin ng batas na hindi rin dapat pinababayaan ang mga walang muwang na sanggol dahil lamang sa desisyon ng kanilang magulang.
Katulad ng sanggol na si Moises na inilagay ng kanyang mga magulang sa isang basket sa may pampang ng ilog upang siya ay protektahan, nararapat na bigyang-proteksyon ang mga foundlings dito sa ating bansa at maging sa ibang panig ng mundo. Sa liham ni St. Pope John Paul II sa mga pamilya noong 1994, ipinaalala niya sa ating mga Katoliko na “the family is the way of the Church.” Kaya’t isang mabuting hakbang ang pagkakapasa sa Foundling Recognition and Protection Act hindi lamang upang bigyang nasyonalidad ang mga foundlings ngunit upang tuluyan silang makatagpo ng pamilyang magmamahal at mag-aaruga sa kanila.
Mga Kapanalig, katulad ng pangako ng Diyos sa Juan 14:18, “Hindi ko kayo iiwang mga ulila.” Ito rin ang pangakong hatid ng Foundling Recognition and Protection Act.