386 total views
Ang pagmamalasakit sa bayan ay hindi lamang nangangahulugan ng pakikibahagi sa pagsugpo ng katiwalian at kurapsyon kundi maging sa pamamagitan ng matalinong pagpili ng mga karapat-dapat na lider na mamumuno sa bayan.
Ito ang paalala ni Novaliches Bishop Teodoro Bacani Jr. bago pa man ang nakatakdang May 2022 elections.
Ayon sa Obispo, ang pagmamalasakit sa bayan ay nangangahulugan ng pagbibigay prayoridad sa ikabubuti ng bayan na maipapamalas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng bawat mamamayan na maghalal ng mga karapat-dapat na opisyal ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na hindi dapat manaig ang mga mapanlinlang na mga pulitiko na bumibili ng boto upang magkamal ng pondo ng bayan sa halip na paglingkuran ng tapat ang taumbayan.
“Yung pagmamalasakit, positibong pagmamalasakit para sa bayan at kapag sinabing para sa bayan, para sa kapwa Filipino. Pagmamalasakit natin na kung halimbawa boboto tayo, huwag mo lang iisipin yung gusto mo kundi yung kung ano ang makabubuti sa bayan, huwag mo lang iisipin yung nagbibigay ng pera sa iyo kundi yung talagang makatutulong sa bayan at naglilingkod sa bayan…” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Partikular na pinuri at inihalimbawa ni Bishop Bacani si Pasig City Mayor Vico Sotto na napabilang sa listahan ng 12-indibidwal na kinilala ng bagong administrasyon ni US President Joe Biden bilang ‘International Anticorruption Champions’ mula sa iba’t-ibang panig na mundo.
Sinabi ng Obispo na maituturing na isang karangalan ang pagkilala ng Estados Unidos sa isang Filipinong opisyal na nakapagpamalas ng tunay na pagmamalasakit sa bayan sa pamamagitan ng paglilingkod ng tapat at dalisay sa kanyang nasasakupan.
Umaasa naman si Bishop Bacani na hindi nag-iisa si Pasig City Mayor Vico Sotto sa pagkakaroon ng ganap na pagmamalasakit sa Pilipinas.
“Salamat sa Diyos may mga tao tayo ngayon na lumilitaw na katulad niyan, katulad ni Mayor [Vico] Sotto diyan sa Pasig na natutuwa naman ako kinikilala pati ng mga tao sa ibang bansa katulad ng Estados Unidos. Sana hindi exemption yan yung mga tao na katulad niyan na namamahala ng mabuti yan ang susuportahan ng mga tao at kapag may nakikita tayong mga magagaling na pulitiko bigyan natin yan ng suporta…” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan ng Simbahan sa pangunguna ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na samantalahin lalo na ng mga kabataan ang kasalukuyang voter’s registration upang makapagtala at makaboto sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.