3,654 total views
Itinuturing na isang biyaya ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa, Palawan ang pagkilala ng National Museum of the Philippines sa Immaculate Conception Cathedral ng bikaryato bilang ‘Important Cultural Property’.
Ayon kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, ang deklarasyon ng National Museum of the Philippines ay isang pambihirang pagkilala sa kagandahan, kahalagahan at mayamang kasaysayan na tinataglay ng katedral hindi lamang sa bahagi ng Simbahan at ng pananampalatayang Katoliko kundi maging sa kasaysayan ng Puerto Princesa, Palawan.
Pagbabahagi ng Obispo, patunay sa pambihirang kagandahan at mayamang kasaysayan ng Immaculate Conception Cathedral ay ang aktibong pagdalaw ng mga turista maging sa Simbahan bukod pa sa mga magagandang likas na yaman na matatagpuan sa Puerto Princesa, Palawan.
“Ang pagkilala ng Immaculate Conception Cathedral ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa na isang ‘Important Cultural Property’ o ICP ay desisyon ng National Museum of the Philippines at ito’y ipinaalam na lang sa amin. Isang magandang development ito dahil opisyal kinikilala ang kagandahan at kahalagahan ng aming katedral. Hindi lamang makilala ngayon ang Puerto Princesa sa kagandahan ng kanyang karagatan at ng underground river kundi pati na din ang aming katedral. Katunayan isa ito sa mga pinupuntahan ng mga turistang na namamasyal sa aming lalawigan.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Mesiona sa Radyo Veritas.
Pinangunahan ni Bishop Mesiona at Palawan Governor Victorino Dennis Socrates ang payak na pagsasagawa ng unveiling ng marker ng National Museum of the Philippines sa Immaculate Conception Cathedral bilang isa sa Important Cultural Property (ICP) sa bansa.
Ideklara ng National Museum of the Philippines ang Immaculate Conception Cathedral ng Puerto Princesa, Palawan bilang isa sa Important Cultural Property (ICP) o Mahalagang Yamang Pangkalinangan noong Ika-27 ng Hunyo, 2019.
Ang titulo ng Important Cultural Property (ICP) ay iginagawad sa mga ari-arian o istruktura na may malaking ambag at kinalaman sa makasaysayang kultura at artistiko sa bansa.
Bukod sa Immaculate Conception Cathedral ng Puerto Princesa, Palawan may mahigit pa sa 40 mga lugar sa bansa ang idineklara ng National Museum of the Philippines bilang National Cultural Treasures (NCT) at Important Cultural Property (ICP).
Ang National Cultural Heritage Act of 2009 na hango sa Batas Republika Bilang 1-0-0-6-6 ay tumutukoy sa mga istruktura at iba pang lugar sa bansa na nagtataglay ng mayamang kultura, sining at pang-agham na mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.