256 total views
Pinuri ni Diocese of Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, ang senado matapos nitong aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 1983 na nagtatakda na Special Non-working Holiday ang September 8.
Sa araw na ito, ipinagdiriwang ng mga Katoliko ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria na ina ng tagapagligtas na si Hesus.
Ayon sa Obispo, ang aksyong ito ng senado ang nagpapatunay ng pagiging “maka-ina” at maka Diyos” ng mga Filipino.
Bukod dito, ipinapakita rin ng senado ang pagrespeto sa malalim na pamimintuho ng mga Filipino sa Ina ng tagapagligtas ng sanlibutan.
“It speaks truly about our Filipino natures of “maka-ina,” and “maka Diyos.” The Senate rightfully did what we Filipinos hold dear in hearts, the Senate publicly manifested that our country is Marian, our country “pueblo mas amante de Maria.” Mensahe ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Noong 2017 unang nilagdaang at idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang National Holiday ang kapistahan ng Immaculada Conception o Kalinis-linisang paglilihi ni Maria na ipinagdiriwang ng ika-8 ng Disyembre.
Kilala ang Pilipinas sa malalim na pamimintuho nito sa Mahal na Birheng Maria.
Tinatayang dalawamput isang mga katedral sa buong bansa ang nakatalaga sa Mahal na Ina at ang labintatlo dito ay nakapangalan sa Mahal na Birhen ng Immaculada Conception.
Sa kasalukuyan, mahigit na rin sa apatnapu ang Canonically Crowned Images ng Birheng Maria sa Pilipinas, matapos ang pagkilalang iginawad dito ng Vatican at ng Santo Papa.