2,469 total views
Pinasalamatan ni Calapan Bishop Moises Cuevas ang nasasakupang mananampalataya ng Oriental Mindoro sa mainit na pagtanggap bilang ikaapat na obispo bikaryato.
Sa kanyang unang liham pastoral, tiniyak ni Bishop Cuevas ang pakikinig sa kawan gayundin ang pagkilala sa mga naunang misyonerong nagtaguyod ng kristiyanismo sa lugar.
“Tinitiyak ko po sa inyo na ako’y nakahandang makinig para maigalang ang inyong mayamang karanasan sa pagiging Simbahan – salamat sa mga misyonero at misyonera, at sa mga naunang Obispo na nagtanim at nagdilig ng binhi ng pananampalataya para lumaganap, lumago at mamung.” bahagi ng mensahe ni Bishop Cuevas.
Hiling ng obispo sa bikaryato ang panahon upang aralin ang kabuuan ng komunidad ng Calapan para sa mas maayos at epektibong pagpapatupad ng mga alintuntunin at programang kapakipakinabang sa mananampalataya.
Inihayag din ni Bishop Cuevas ang pagsasagawa ng pastoral visit sa mga parokya, quasi-parishes, chaplaincies, at mission areas upang malaman ang kalagayan ng sambayanan.
Kaya’t ipinapakiusap ng obispo sa mga namamahala sa mga parokya ang paghahanda sa mga manggagawa ng parokya, kasama ang pamunuan ng Parish Pastoral Council at Parish Finance Council; mga programang pastoral ng parokya; kalagayan ng parochial schools; ang canonical books; ulat ng pananalapi, lupa at iba pang pag-aari ng simbahan gayundin ang maikling kasaysayan ng parokya.
Humingi rin ng palugit si Bishop Cuevas na ipagpaliban sa Nobyembre 2024 ang nakatakdang general reshuffling ng mga pari ng bikaryato na nakatakda sa Hulyo 2024.
Kinilala rin ni Bishop Cuevas ang programang ‘Hapag ng Pamilyang Mindoreño’ (HPM) ng bikaryato na maging basehan sa higit na pagmimisyon sa pamayanang kristiyano ng Oriental Mindoro alinsunod na rin sa panawagan ng Santo Papa Francisco na Synodal Church.
“Nawa ang HPM ay hindi manatiling isang programa lamang, kundi maging istilo ng buhay ng kaparian, ng mga madre, at mga laiko.” ani Bishop Cuevas.
Bukod sa unang pastoral letter naglabas din ng dalawang decree ang obispo, una ang gradual incorporation ng “Diocesan Synthesis” at “12-Point Diocesan Synodal Agenda” sa ginawang synodal process ng bikaryato, at ang; pagtalaga ng mga pari sa mahahalagang tungkulin na kanyang makatutuwang sa pamumuno ng bikaryato.
September 6, nang mailuklok si Bishop Cuevas sa Apostolic Vicariate of Calapan na binubuo ng 20 parokya, isang personal parish, dalawang quasi-parish, pitong chaplainces, 10 mission areas na may 800-libong katoliko.