144 total views
Sa nasyonal na lebel, ating ginugunita ngayon ang consumer welfare month. Ito ay pinangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang Consumer Welfare Month ay base sa Proclamation number 1098 of 1997. Tuwing Oktubre, nagiging mas matingkad ang atensyon na binibigay ng pamahalaan para sa bahagi o papel ng mga mamimili sa ekonomiya ng bansa.
Kapanalig, sa ating mundo na mabilis na nagiging digital at global ngayon, ang kapakanan ng mamimili ay dapat talagang mas mabigyan ng masusing atensyon. Kailangan, hindi lamang ang mamimili ang handa, ang pamahalaan din ay dapat maging alerto sa maraming paraan na maaring madaya o madehado ang mga consumers.
Sa pag-gamit pa lamang mga cellphone ngayon, makikita natin na maraming mga paraan kung saan ang mamimili ay hindi napapangalagaan. Ang binili mong load, halimbawa, ay nakakaltasan ng hindi mo namamalayan. Ang mga apps sa cellphone ay nagdo-download na lamang ng mga updates na kumakain din ng data na binabayaran mo. Ang mga transakyong ganito ay nangyayari sa background lamang, at hindi mo nalalaman na ang halaga o value ng pera na inilaan mo para sa pag-gamit ng telepono ay nahahati na pala at nababawasan.
Sa Internet naman, sandamak-mak ang reklamo ng mga netizens ukol sa bagal ng internet service, sa data caps, at sa download speed sa ating bayan. Ang average download speed sa ating bansa ay 3.7mbps. Milya milya ang layo nito sa ating mga karatig bansa gaya ng Singapore, na global leader sa internet download speed. Nasa 133.1mbps ang bilis nila. Ang Myanmar, isang war-torn country, nasa 5.1 mbps ang download speed, kapanalig.
Ang mga online at mobile transactions ay “new frontier” para sa maraming Pilipino. Marami sa atin ang nangangailangan ng ibayong tulong sa mga transaksyon kung saan hindi nakikita ang aktwal na palitan ng pera. Sa puntong ito, dapat mas kumikiling ang estado sa kapakanan ng mamamayan. Ang load ng isang consumer, para sa isang telco, ay barya lamang. Kapag mawala sa telco, halimbawa, ang isang P50 unli internet load ng isang mamayan, hindi malaki ang epekto nito sa kabuuang kita. Ngunit para sa ordinaryong Pilipino, isang kilo na ito ng bigas na pinampalit lamang sa load para makabalita sa domestic helper niyang nanay sa Hongkong. Ang ubusin ng telco ang load ng isang maralitang tulad nito dahil lamang sa bagal ng koneksyon ay pagnanakaw na rin ng pagkain ng isang pamilya sa isang araw. Pagnanakaw na rin ito ng panahon upang makasama, kahit sa internet man lamang, ang mga mahal sa buhay na nawala sa kanila.
Ang pagkiling sa karapatan ng maralitang mamimili ay hindi limos o charity. Ito ay ating obligasyon. Ito ay makatarungan. Ang Economic Justice for All ay may akmang pahayag na sana’y mag-udyok sa ating pamahalaan na kumilos pa ng mas mas mabilis at mas matapang para sa kapakanan ng maralitang mamimili: The obligation to provide justice for all means that the poor have the single most urgent economic claim on the conscience of the nation.