199 total views
Ito ang hamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity sa mga mananampalataya upang mapaigting ang pangangalaga sa kalikasan.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi sapat ang mga pag-aaral lamang patungkol sa encyclical na Laudato Si ni Pope Francis dahil ang tunay na kinakailangan ng mundo ay positibong pagkilos ng mga tao.
Nanawagan din si Bishop Pabillo sa mamamayan na baguhin ang gawi ng pamumuhay at ang pag-uugali upang mas lalong maging mapagmahal sa lahat ng nilikha ng Panginoon.
“Dalawa ang aking pabaon na mensahe, ang isa, let us act now. Ibig sabihin baguhin natin ang ating lifestyle, marami tayong narinig tungkol sa pagbabago na hinihingi ng kalikasan sa atin. At pangalawa kailangan nating palaganapin ang mensahe ng Laudato Si kaya yung mga nakadalo ng conference ay sana maging masigasig sa pagpapalaganap nito kasi we don’t have the luxury of time, talagang malaki ang pangangailangan sa pagbabago ng ating pamumuhay upang mapagalagaan natin ang kalikasan.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Samantala, hinimok naman ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na maging lebadura sa lipunan.
Paliwanag ni Bishop David, dahil sa mga pag-aaral sa encyclical ni Pope Francis para sa kalikasan, nagiging malinaw sa mga mananampalataya ang prinsipyo at moral na aral na itinuturo ng simbahan kaugnay sa tamang pangangalaga sa kapaligiran.
Sinabi ng Obispo na mula ditto ay kinakailangang maipamalas at mapanindigan ng bawat mananampalataya ang kanilang espesyal na misyon sa lipunan at sa sanilikha.
“Dapat tayo yung lebadura sa lipunan, kasi ngayong malinaw na sa atin ang mga prinsipyo, mga values na pinaninindigan natin para sa kalikasan at sa ating kapaligiran, kailangan makita natin na ito, ay essential aspect of the gospel. Sana panindigan natin ito, hindi lang sya seminar na may natutunan ka, hindi sya ganon. Itong conference na ito ay tungkol sa, how we can make a difference as church, as local church, as parish communities, sa ating kapaligiran.” Bahagi ng pahayag ni Bishop David.
Sa huli, pinasalamatan naman ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico ang mga mananampalatayang nakiisa sa pag-aaral ng Laudato Si.
Ayon sa Obispo, kahanga-hanga ang ipinakitang pagiging masigasig ng mga mananampalataya sa pagpapalalim ng kanilang kaalaman sa Laudato Si. Bukod dito, isang mabuting tanda rin ang kahandaang matuto ng mga mananampalataya, na mapagtatagumpayan ng mga tao ang pagpapanumbalik ng kaayusan sa kapaligiran.
“Pasasalamat sa mga naging participants sa pagkat ito’y nagpapakita ng kanilang kasigasigan at ng kanilang pagnanais na ipalaganap at itaguyod itong ninanais ng ating Santo Papa na pangalagaan itong ating mundo at ang kailkasan bilang handog ng ating panginoong Diyos.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Famadico.
Matatandaang noong nakaraang linggo isang pagtitipon ang inorganisa ng Archdiocese of Manila kasama ang labindalawa nitong Sufragan Dioceses upang mapukaw ang puso ng mga mananampalataya kaugnay sa tamang pangangalaga sa kalikasan.
Humigit kumulang 1-libong mga indibidwal ang dumalo sa pagtitipon at inaasahang magiging mga tagapagtanggol ng sanilikha.