94,605 total views
Maraming inobasyon at modernong teknolohiya ang nagdadala ng malawakang pagbabago sa job landscape hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo ngayon. Malaking hamon ito sa mga bansang gaya sa atin na nangangailangan ng mas maraming trabaho at oportunidad para sa maraming mamamayan.
Isa ngang halimbawa ngayon ay ang mabilis na paglaganap ng artificial intelligence o AI. May mga nagsasabi nga na ito ay tila isang industrial revolution na naman na napakalawak ng sakop at impluwensya sa ating global na lipunan at ekonomiya. Marami nga ang natatakot na mapalitan o maging obsolete ang trabaho dahil sa AI, lalo pa’t tinatayang mga 60% ng mga trabaho sa mga nangungunang ekonomiya ay exposed sa AI.
Ngayong lumalaganap ang AI sa buong mundo, handa ba ang Pilipinas dito?
Kailangan natin makita bilang isang oportunidad, hindi banta, ang pag-usbong ng AI. Makakatulong ito sa maraming Pilipino hindi lamang para sa trabaho, kundi para sa inobasyon. Kailangan natin ng ilang mga hakbang upang ma-adopt na ito ng maraming mga industriya sa ating bansa. Una rito ay ang edukasyon at pagsasanay. Maganda sana na maisama ito sa kurikulum ng ating mga mag-aaral mula elementarya pa lamang para sa murang edad, gamay na gamay na nila ito at magagamit para sa pagpapalalim pa ng kaalaman at paglilinang ng kasanayan.
Kailangan din na maihanda ang imprastraktura. Integral sa AI ang mabilis na internet speed. Kaya’t kung nais natin na mabigyan ng oportunidad ang mga mamamayan sa remote areas ng bayan, kailangan maka-abot sa mga geographically disadvantaged areas ang reliable internet connection.
Kapanalig, kailangan din natin palakasin ang ating mga sariling ahensya at mga kumpanya na nangunguna sa pagpapaunlad ng AI sa bansa. Mainam na mabigyan sila ng suporta at incentive sa pagsulong ng AI research and development sa bansa.
Kapanalig, ang mga teknolohiya gaya ng AI ay maaaring magamit ng bayan upang magsulong ng kaunlaran, lalo na sa mga pinakamahirap sa atin. Pero lagi nating pakatandaan, base na rin sa pahayag ni Pope Francis sa Laudato Si: Kailangan natin tiyakin na anumang technological and economic advancement ay dapat gamitin para sa ikakabuti ng ating mundo. Kailangan nating tiyakin na ang teknolohiya ay para sa mas magandang kalidad ng buhay para sa lahat.
Sumainyo ang Katotohanan.