1,566 total views
Duda ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs sa ulat ng Philippine Statistic Authority na lumago ng 7.1-percent ang ekonomiya ng Pilipinas sa nakalipas na tatlong buwan ng bagong administrasyon.
Sinabi ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng kumisyon na kailangang ang mga factors na nagpataas ng ekonomiya ng bansa at kung ito ay actual o projection lamang.
Ipinagtataka ni Father Secillano ang biglang pagtaas ng ekonomiya ng Pilipinas gayong wala pang malinaw na polisiya sa ekonomiya ang bagong administrasyon.
“Kelangan lang i-clarify kung ano ang mga factors na nagpataas diumano sa ekonomiya.Isa pa, ito ba ay aktuwal na pagtaas o projection lamang? Mahirap kaseng sabihin na sa loob ng 3 buwan, umangat na kagad ang ekonomiya samantalang wala pa ngang malinaw na economic policies na na-ipatutupad. Maaari din na itong pag-angat diumano ng ekonomiya ay off-shoot pa ng mga programa ng dating administrasyon.”pahayag ni Father Secillano sa Radio Veritas
Nilinaw ng pari na kahit mayroong ipinapatupad na economic policies ang bagong administrasyon ay hindi sapat ang tatlong buwan para sabihing ito ang dahilan ng pag-angat kuno ng ekonomiya ng bansa.
Nauna nang pinuri ang administrasyong Duterte sa inilabas na survey ng Philippine Statitics Authority o PSA na lumago ng 7.1 percent ang gross domestic product ng bansa sa ikatlong quarter ng taon o unang tatlong buwan ng bagong administrasyong kumpara sa 6.2 percent na GDP growth noong ikalawang quarter ng taon.