83,818 total views
Isa sa mga gawaing dapat nating unahin sa indibidwal hanggang nasyonal na lebel ay ang paglalaan ng pondo para sa kalusugan. Kitang kita natin ang value nito noong panahon ng pandemya na nagpamukha sa atin na ang kalusugan ay pundasyon ng kaunlaran.
Sa individual at household level, mahirap para sa maraming mga Pilipino ang maglaan ng pera para sa kalusugan – marami kasi ang bitin ang kita, at hirap na pagkasyahin ang ito para sa masustansyang pagkain. Pero dahil nga kulang na sa masustansyang pagkain, nagiging mas urgent ang pangangailangan ng pondo para sa kalusugan.
Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit kailangan ng mas maayos na paglalaan ng pondo para sa kalusugan ng bayan. Hirap na ang tao maging malusog dahil sa karalitaan, hindi pa sila masuportahan ng pamahalaan. Kailangan tanggapin at yakapin ng pamahalaan ang responsibilidad na ito, dahil siya ang pangunahing haligi sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng bawat Pilipino. Para epektibong magawa ito ng pamahalaan, kailangan niya suriin ang mga isyung nakapaligid dito.
Isa sa mga pangunahing isyu ay ang kawalan ng sapat na pondo para sa mga health facilities at serbisyong pangkalusugan. Maraming lugar sa bansa, lalo na ang mga nasa malalayong probinsya, ang naghihirap sa kakulangan ng mga ospital, kagamitan, at sapat na bilang ng mga health professionals. Ang paglalaan ng sapat na pondo ay mahalaga upang mapabuti ang imprastruktura ng kalusugan at matugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Ang pagtaas ng investments for health ay maaaring magsilbing pondo para sa mas makabagong teknolohiya at gamot na makakatulong sa mas epektibong pagtugon sa mga karamdaman. Mahina ang research and development sa ating bayan, kapanalig. Ang pag-aaral at pagsasaliksik sa larangan ng medisina ay mahalaga para sa pag-unlad at pagpapabuti ng kalusugan ng mga Pilipino. Ang paglalaan ng sapat na pondo para rito ay nagbibigay-daan sa mas mabilis na pag-usbong ng mga bagong gamot at treatments.
Pangatlo, ang edukasyon sa kalusugan ay isang aspeto na hindi rin dapat maliitin. Ang kampanya para sa preventive health measures, gaya ng maayos na nutrisyon at regular na ehersisyo, ay pangunahing armas laban sa mga karamdaman. Kailangan din ang pondo para dito. Ang paglalaan ng pondo para sa edukasyon at kampanya ay nagbubukas ng oportunidad para sa mas malawakang pag-unawa ng mamamayan sa kanilang sariling kalusugan.
Ayon sa Rerum Novarum, it is the province of the commonwealth to serve the common good. Ang kalusugan ng mamamayan, kapanalig, ay isa sa ating common good o kabutihan ng balana. Ang pondo para sa kalusugan ay hindi lamang gastusin kundi isang investment para sa kinabukasan ng bansa. Ang malusog na mamamayan ay may mas mataas ang produktibidad, mas mababang bilang ng mga nagkakasakit, at mas matibay ang pundasyon para sa long-term progress. Sa pagtutok ng pamahalaan sa sapat at tamang pondo para sa kalusugan, nagiging mas makakabuluhan din ang buwis na kinakaltas sa atin.
Sumainyo ang Katotohanan.