6,422 total views
Hinimok ni CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education at Diocese of San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang mga senador at kongresista na ilaan sa pagpopondo ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act ang kanilang 2018 pork barrel fund.
Ayon kay Bishop Mallari, kung magkakaisa ang mga mambabatas na ipaubaya ang kanilang Priority Development Assistance Fund ay magiging madali ang pagsasakatuparan ng nasabing programa.
“Mahalaga talaga na magtulungan ‘yung mga congressmen natin related kung papano ang magagawa na yung pork barrel nila ay mailagay sa maganda. At least may sigurado na pupuntahan talaga, yung free education ng nakakaraming mga kabataan natin,” panawagan ng Obispo.
Mababatid na hindi kasama sa panukalang 3.7 trilyong pisong 2018 national budget ang free education program na sinasabi ng Department of Budget and Management na pagkakagastusan ng 100-bilyong piso kada taon.
Kaugnay nito ay una nang inihayag ni Senate Committee on Finance Vice Chairman Panfilo Lacson at Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang pagbibigay ng kanilang pork barrel sa susunod na taon bilang suporta sa free education act, na ikinatuwa naman ni Bishop Mallari.
“Tayo ay natutuwa dito sa halimbawa na ipinakita sa atin nina Senator Lacson saka si Senator Sotto. Hiling natin na sana yung mga congressmen natin, hindi lamang siguro yung waiving kundi talagang upuan ito, pag-usapan ng mabuti. I hope they see yung dahilan why they should waive yung pork barrel nila and then I think they will easily be convinced,” ani ng Obispo.
Layunin ng bagong batas na mabigyan ng libreng edukasyon ang mga mahihirap ngunit kwalipikadong mag-aaral sa mga state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at technical- vocational (tech-voc) schools sa buong Pilipinas.
Sa kabuuan, 112 state colleges and universities ang magiging benepisyaryo ng Republic Act 10931 sa susunod na taon kung saan 8 ay mula sa Metro Manila, 49 sa Luzon, 26 sa Visayas habang 29 naman ang mga SUCs sa Mindanao.
Naniniwala ang Kanyang Kabanalan Francisco na dapat bigyang importansya ng bawat isa ang edukasyon dahil susi ito sa pagtamo ng isang maginhawang buhay.(Ers Geronimo)