343 total views
Hinamon ni Department on Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno ang Bureau of Fire Protection na pabilisin ang paglalabas ng mga Fire Safety Inspection Certificates at Fire Safety Evaluation Clearances sa mga business establishments sa Metro Manila.
Ayon sa kalihim, kinakailangang umisip ng BFP ng mga makabagong istratehiya kung paano nila mapabibilis ang proseso ng pag-iinspeksyon at paglalabas ng clearance at certificates.
“We don’t want the fire bureau to be exercising the old traditional practices, we are encouraging you to be innovative, yong bago, for the good of the public.Pagbabago ang dapat dito sa BFP,” pahayag ni Secretary Sueno.
Gayunman ayon kay Sec. Sueno, sa kabila ng mabilis na proseso ay mahalagang mapanatili ng BFP ang kalidad ng kanilang trabaho at matiyak na ligtas ang mga establisyimento.
“Think of innovations, be creative, kung ano pa ang maganda na gagawin ng fire bureau para mapabilis ang issuance ng fire safety inspection certificates (FSIC) and fire safety evaluation clearances (FSEC) without compromising the safety of our people,” dagdag pa nito.
Isa sa nakitang suliranin ni Secretary Sueno sa mabagal na pagkilos ng kawanihan ang kakulangan nito sa tao lalo na at maraming business establishments sa Metro Manila na kinakailangang masuri.
Sinabi naman ng Kalihim na kung magagawa ng BFP na mapabilis ang kinakailangang proseso ay mas uusbong ang mga negosyo at magbubunga ng maganda ang ekonomiya ng Pilipinas.
Samantala binalaan naman nito ang BFP na tigilan na ang pagbebenta ng mga Fire Extinguisher, at bigyan ng maayos na serbisyong walang pinapaboran ang mga business investors.
Ayon nga sa Panlipunang katuruan ng Simbahan, kinakailangang unahin ang kapakanan at kaligtasan ng nakararami higit sa mga pansariling interes.