368 total views
Ikinabahala ng makakalikasang grupo ang muling paglalagay ng ilegal na bakod sa bahagi ng Masungi Georeserve na matatagpuan sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Center for Environmental Concerns-Philippines, Executive Director Lia Mai Torres-Alonzo, nakababahala ang ginawang ito sa lugar kung saan mayroon pang mga armadong lalaki na nagbabantay.
“We are concerned with the recent fencing of an area of the Masungi Georeserve, especially the presence of armed men reportedly having high-powered weapons,” pahayag ni Torres-Alonzo sa panayam ng Radyo Veritas.
Nanawagan naman ang grupo sa Department of Environment and Natural Resources maging sa pamahalaang lalawigan ng Rizal na magsagawa ng agarang aksyon at imbestigasyon kaugnay nito.
Ayon pa kay Torres-Alonzo, isang inspirasyon para sa mga makakalikasan ang ginagawang pagsisikap at adbokasiya ng Masungi Georeserve.
Ikinalulungkot ng grupo kung ito’y mapipigilan ng mga makapangyarihang kumpanya na maipagpatuloy ang kanilang tungkulin na na pangangalaga sa kalikasan.
“The rehabilitation efforts and advocacy work of the Masungi Georeserve has been an inspiration for many environmental advocates. It would be unfortunate if they would be hindered to reach the full potential of their work,” ayon kay Torres-Alonzo.
Ang Masungi Georeserve ay isang award-winning conservation project na naging kilala bilang eco tourism site sa bayan ng Baras sa lalawigan ng Rizal.
Maliban sa eco-tourism efforts ng grupo, patuloy naman nitong isinasagawa ang pagtatanim ng mga punong-kahoy na napigilan lamang dahil sa pagpuputol ng mga puno at quarrying.
Ito rin ang ikalawang beses ngayong taon na naglagay ng mga bakod sa Masungi.
Ayon sa catholic social teaching, bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangang ang kitang ito’y nakakamit nang hindi nasasakripisyo o naaapektuhan ang bawat mamamayan lalung-lalo na ang kalikasan.