1,624 total views
Paiigtingin ni Senator Pia Cayetano ang pagtatayo ng bike lanes sa buong bansa.
Ito ang tiniyak ng senador kasabay ng pagsisimula ng pagtatayo sa 37.5 kilometer bike lanes sa San Fernando City Pampanga sa pagtutulungan ng Department of Transportation at Department of Public Works and Highways.
Kaugnay nito muling isusulong ni Cayetano ang Senate Bill No. 1290 o Walkable and Bikeable Communities Act na layong pagtibayin ang mga polisiya ng bawat lokalidad.
“It is important for the goverment to support infrastructure that provides safe pathways and facilities for cyclists,” pahayag ni Cayetano.
Iginiit ng mambabatas na malaki ang tungkulin ng mga alkalde sa bawat lunsod at munisipalidad sa pagtatayo ng mga bike at walk lanes upang mahimok ang mamamayan na gumamit ng bisekleta bilang alternatibong paraan ng transportasyon gayundin ang paglalakad ng mga tao na makatutulong sa mas malusog na paangangatawan.
“That’s why I always remind mayors that basic things, like clear and covered sidewalks are a big deal. This will encourage people to walk which is healthy and environmentally- friendly activity,” dagdag ng mambabatas.
Sa pag-aaral ng Social Weather Stations noong 2022 nasa 11 milyon o katumbas sa sampung porsyentong populasyon ng bansa ang gumagamit ng bisekleta.
Sa ulat ng DOTR at DPWH nasa 430 kilometrong bike lanes na ang naitatag sa bansa habang patuloy itong dinadagdagan para sa mas ligtas na pagbibisekleta at paglalakad ng mamayan.
Sa datos ng Manila Metropolitan Development Authority umabot sa 2,397 ang aksidenteng kinasangkutan ng mga siklista kung saan 33 dito ang nasawi.