2,597 total views
Nababahala ang isang grupo sa kawalan ng batas sa Pilipinas na sumasaklaw sa mga Genetically Modified Organisms.
Ayon kay Kervin Bonganciso, Advocacy Staff ng Masipag Visayas, kinakailangang magkaroon ng batas sa Pilipinas na magtatakda sa mga agricultural companies na maglagay ng label kung ang produkto ay isang GMO o organic.
Dagdag pa niya kinakailangan din maging tapat ang mga kumpanya sa pagsasabi sa mga mamimili ng magiging epekto sa pangangatawan ng isang tao ng pagkain ng isang genetically modified na pagkain.
Sinabi pa ni Bonganciso na magpahanggang sa kasalukuyan ay walang malinaw na resultang inilalabas ang scientific community sa bansa kung ano ang tunay na epekto ng GMO sa katawan ng tao.
Sa Pilipinas tinatayang mayroong 700 hektaryang taniman ng genetically modified na mais.
“Nakakalungkot kasi dito sa Pilipinas wala tayong batas na naglalagay ng label para malaman natin kung genetically modified ba ang isang produkto, hindi kagaya sa ibang bansa na merong nakalagaya na pure organic o kaya non-GMO sya. Dito sa Pilipinas wala po tayong ganung batas para malaman kung ang kinakain natin ay safe o hindi GMO.”
“Yung scientific community, kahit sila wala silang concensus na nagsasabing safe na kainin yung GMOs hanggang ngayon disputed pa rin sya kung safe ba sya o hindi,” pahayag ni Bonganciso sa Radyo Veritas.
Nasasaad naman sa encyclical na Laudato Si ni Pope Francis ang pangamba ng Simbahan sa synthetic na pamamaraang ginagamit sa paggawa ng GMO.
Ayon sa Santo Papa, makabubuti pa rin para sa kalusugan ng tao at ng kalikasan ang natural na pamamaraan ng pagtatanim, at ang organic na mga pagkain.