1,379 total views
Tututukan ng Department of Science and Technology (DOST) ang paglikha ng pagkain na masustansiya at abot-kaya ng bawat mamamayan.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, patuloy na itinataguyod ng ahensya sa pamamagitan ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ang pagsusuri sa mga pagkain na makatutulong upang mapabuti ang kalusugan lalo ng mga kabataan.
Ang pahayag ni Solidum ay kasabay ng DOST-FNRI 49th Seminar Series na may temang “Innovative, Accessible, and Affordable Diet for All: Products of R&D (Research and Development) and S&T (Science and Technology) Services”.
“Kasi sa tunay na kahulugan ng tamang kalusugan ay dapat mayroon kang pagkaing nutritious. Pero dapat ang pagkain na ‘to ay available, ibig sabihin, accessible sa marami at syempre kayang bilhin, affordable,” pahayag ni Solidum.
Inihalimbawa ng kalihim ang enhanced nutribun na programa ng FNRI upang matugunan ang malnutrisyon at mabigyan ng wastong nutrisyon ang mga kabataan.
Sinabi ni Solidum na sinisikap ng FNRI na palawakin pa ang programa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor ng pamayanan.
“For example, ang enhanced nutribun na talagang maraming mga bakery ang mag-produce sa iba’t ibang dako ng Pilipinas, number 1 selling technology ‘yun. And this would now be used for the school feeding program at ‘yung iba naman ay pwedeng nang itinda,” ayon kay Solidum.
Inihayag naman ni DOST-FNRI Director Dr. Imelda Angeles-Agdeppa na ang mga pagsusuring ginagawa ng ahensya ay layong makatulong na matugunan ang umiiral na malnutrisyon sa bansa.
Dagdag pa ni Agdeppa na katuwang ng FNRI ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang ang mga nalilikhang produkto mula sa masusing pag-aaral ay mabilis na maipamahagi sa mga mahihirap na sektor ng lipunan lalo na sa mga kabataang higit na apektado ng malnutrisyon.
“Hindi po ito magagawa ng isang ahensya lang, kaya sinasabi natin nandito ang Department of Social Welfare and Developmen kasi sila po ‘yung tumutulong na maibsan ang problema na ito through ‘yung sinasabi naming science and technology driven solutions. They are using our innovative products. So, sila po ‘yung pinakabibigyan natin ng iba’t ibang produkto para ma-address ang malnutrition,” ayon kay Agdeppa.
Batay sa tala ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) Philippines, 95 bata sa Pilipinas ang namamatay araw-araw dahil sa malnutrisyon kung saan 27 mula sa 1,000 bata ang hindi nakakaabot ng limang taong gulang.
Sa mensahe ni Pope Francis sa World Food Day noong 2019, ang hindi tamang nutrisyon ay hindi lamang bunga ng mga bagay na sobra, kun’di dahil sa kakulangang sanhi ng hindi patas na access sa pagkain lalo na sa mga mahihirap na sektor ng lipunan.