601 total views
Hinimok ni CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People at Balanga Bishop Ruperto Santos ang mga manggagawa at mga opisyal ng pamahalaan na tularan ang kasipagan at dedikasyon ni San Jose sa trabaho.
Ayon sa Obispo, upang maging produktibo ay dapat tularan ng mga manggagawa ang katangiang itinuturo ni San Jose kabilang na ang pagkukusa, pagiging responsable at hindi pagpapabukas pa ng isang gawain.
“Huwag tayong maging tamad, huwag tayong maging tambay kung saan trabaho pa ang maghahanap sa atin. Tayo na ang kumilos, tayo na ang gumalaw,tayo na ang gumawa upang hanapin, damputin at gawin ang trabaho,” pahayag ni Bishop Santos.
Kasabay nito ay umaapela rin ang Obispo na gawing prayoridad ng pamahalaan ang paglikha ng mas maraming trabaho na sasagot sa pangangailangan ng isang ordinaryong mamamayan gayundin ang panawagang tapusin na ang ENDO o contractualization system sa Pilipinas.
“Panawagan naman natin sa mga namamahala sa atin, na gayahin si San Jose na gawing mandato ng pamahalaan ay to create jobs para sa ating mga Pilipino upang sa ganoon ay hindi na maforce mangibang bansa, trabaho na hindi lamang pansamantala kundi pangmatagalan, marangal at makabubuhay ng pamilya,” giit pa nito.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority noong January 2017, umakyat sa 6.6-percent ang unemployment rate sa bansa, mas mataas kumpara sa 5.7-percent noong nakaraang taon.
Ayon sa Kanyang Kabanalan Francisco, matatamo ng tao ang kanyang minimithi sa pamamagitan ng sipag at determinasyon na sasamahan ng maigting na panalangin.