30,196 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Radio Veritas 846 ang pagpapalakas ng himpilan sa paglilingkod at pagmimisyon.
Ito ang mensahe ni Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual sa pagdiriwang ng ika – 55 taong anibersaryo ng pagkatatag ng himpilang nakatalaga sa pagmimisyon ng simbahan.
Sinabi ng pari na sa pagbabago ng panahon tulad ng pag-usbong ng teknolohiya ay gagamitin ito ng himpilan para sa higit na pagmimisyong maipalaganap ang mga Salita ng Diyos sa bawat komunidad.
“Lalo pa nating palalakasin ang ating programa nationwide at sa panahong ito ng social media palalakasin natin ang social media ministry, at higit sa lahat ang multimedia platform ng Radio Veritas,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Itinuring ni Fr. Pascual na malaking biyaya ang mahigit limang dekadang paglilingkod sa kristiyanong pamayanan lalo na ang pagtataguyod sa katotohan sa gitna ng pag-iral ng fake news at misinformation.
“Ito po ay malaking grasya at responsibilidad na patuloy ipalaganap ang katotohanan na nanggagaling sa Salita ng Diyos. Lalo na ngayong napakaraming pekeng balita at half-truths, mga subjectivity, napakahalaga po na tayo po ay manindigan kung ano ang katotohanang nakaugat sa Salita ng Diyos,” ani Fr. Pascual.
Kinilala rin ng opisyal ang pagiging masigasig ng mga kawani ng himpilan gayundin ang mga obispo, pari at mga laykong nagtataguyod sa mga programang inihahandog sa Kapanalig community.
Tinukoy ni Fr. Pascual ang pagsisikap ng himpilan na makamit ang vision na maging ‘leading Social Communication Ministry for truth and new evangelization’ at ang mission na ‘To expand the Church in multimedia and establish a center for information and communication’.
Ibinahagi rin ng pari na kabilang sa mga binabalak ng himpilan sa pangunguna ng chairman nito na si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagtatayo ng permanenteng tahanan sa bahagi ng Guadalupe Minor Seminary na gagawing media hub at pagbuklurin ang mga media arm ng arkidiyosesis.
Sa kasalukuyan bukod sa mapakikinggan ang himpilan sa 846 sa talapihitan ng mga radyo, ito rin ay mapakikinggan sa Cignal Cable Channel 313 at sa E-radio portal habang matutunghayan naman ang livestreaming sa DZRV 846 Facebook Page, Veritas PH Youtube Channel gayundin sa Veritas TV sa Sky Cable Channel 211